Malakanyang umaasang malulunasan ang nakitang negatibong epekto ng Pederalismo sa ekonomiya ng bansa
Tiwala ang Malakankayang na buo pa rin ang suporta ng Cabinet Economic Team sa pagsusulong ng Pederalismo.
Ito’y sa kabila ng paghahayag ng hindi pag-sangayon ng economic team sa economic provision ng proposed Federal Constitution na binalangkas ng Consultative Committee na pinamumunuan ni retired Supreme Court Chief Justice Renato Puno.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque ang paghahayag ng negatibong opinyon ng Economic Team sa economic provision ng proposed Federal Constitution ay hindi nangangahulugan na tinutulan nila ang Pederalismo sa kabuuan.
Ayon kay Roque kung mayroon mang nakitang problema sa economic provision ng proposed Federal Constitution trabaho na ito ng Kongreso na siyang bubusisi sa bubuoing bagong Saligang Batas.
Inihayag ni Roque malinaw sa mga miyembro ng gabinete na ang pagbabago ng Konstitusyon para mapalitan ang kasalukuyang porma ng gobyerno mula Presidential Unitary patungong Federal System ay nananatiling prayoridad ng Pangulo.
Lumilitaw sa pagdinig ng Senado na tinututulan nina Finance Secretary Carlos Dominguez, Trade Secretary Ramon Lopez at National Economic Development Authority o NEDA Director General Ernesto Pernia ang Economic provision ng proposed Federal Constitution dahil makakasama umano ito sa ekonomiya ng bansa.
Ulat ni Vic Somintac