Malakas na lindol tumama sa dalawang rehiyon sa China
BEIJING, China (AFP) – Hindi bababa sa dalawa ang nasawi nang yanigin ng serye ng malalakas na lindol ang northwest at southwest China.
Ayon sa US Geoligical Survey, ang lindol sa Yunnan na may magnitude na 6.1, ay unang tumama alas-9:48 Biyernes ng gabi malapit sa lungsod ng Dali, isang popular na tourist destination. Sinundan ito ng hindi bababa sa dalawang aftershocks.
Sa isang pahayag ay sinabi ng mga opisyal na dalawa katao ang kumpirmadong nasawi sa mabundok na lugar. Kalaunan ay sinabi ng state news agency na hindi bababa sa 22 iba pa ang nasaktan.
Makalipas ang ilang oras, sa higit 1,200 kilometrong layo, isang 7.3-magnitude na lindol naman ang yumanig sa Qinghai province sa northwest, na sinundan ng isang aftershock.
Wala namang agad na napaulat na casualties o pinsala mula sa nasabing lugar. Ang sentro ng lindol ay natunton sa Maduo County, at naniniwala ang mga opisyal na kaunti lamang sa mga kabahayan ang mapipinsala.
Nagpadala na ng emergency personnel at disaster relief teams sa dalawang nabanggit na lugar.
Sa Yunnan, sinabi ng provincial government, na may ilang gusaling gumuho at ang iba naman ay nasira, at ang disaster situation ay sumasailalim pa sa dagdag na beripikasyon.
Higit 20-libong katao ang inilikas. Higit 100-libo katao ang naninirahan sa lugar, na ang karamihan ay nasa rural communities.
Nagpalabas ng videos ang local media, kung saan makikita ang pag-ugoy ng ceiling lamps at mga vase na nahuhulog mula shelves, maging ng grupo ng mga taong nagtakbuhan palabas matapos ang lindol.
Nagbabala naman sa publiko ang China Earthquake Networks Center (CENC), na lumayo sa mga gusali.
Ayon pa sa quake monitor, ang lindol ay sinundan ng isang serye ng maliliit na mga lindol.
Ang China ay regular na tinatamaan ng mga lindol, laluna sa mabubundok na rehiyon sa kanluran at timog-kanluran.
Isang malakas na 7.9-magnitude na lindol sa southwest Sichuan province noong 2008, ay nag-iwan ng 87-libo kataong nasawi o nawala.
Noon namang Pebrero 2003, isang malakas na 6.8-magnitude na lindol ang ikinasawi ng 268 katao sa Xinjiang at nagdulot ng malubhang pinsala.
Noong 2010, isang 6.9-magnitude na lindol sa Qinghai ang nag-iwan ng 3-libo kataong namatay o nawala.
At noong Oktubre 2014, daan-daang katao ang nasaktan at higit 100-libo ang nawalan ng tahanan matapos ang 6.0-magnitude na lindol na tumama sa Yunnan, malapit sa border ng China sa Myanmar at Laos.
@ Agence France-Presse