Malakas na pag-ulan ng yelo at malamig na temperatura, nagdulot ng traffic jams sa Nordics
Daan-daang mga sasakyan ang naipit sa kahabaan ng mga lansangan sa southern Sweden at Denmark nitong Huwebes, bunsod ng malakas na pag-ulan ng yelo kaugnay na rin ng pagtama ng “cold snap” sa rehiyon.
Sa Sweden, nag-dispatch ng military personnel upang tulungan ang rescue services sa pag-ayuda sa mga na-stranded na motorista sa pagitan ng mga bayan ng Horby at Kristianstad sa far south ng Sweden.
Matapos na mailikas ang mga tsuper na humiling na sila ay mailikas, karamihan ng naiwan sa lugar ay truck drivers, ayon sa anunsiyo ng emergency services.
Sa isang pahayag ay sinabi ng pulisya, na kinuha ng armed forces ng Sweden ang mga taong na-trap sa kanilang mga sasakyan sa pamamagitan ng tracked vehicles kung saan humigit-kumulang 100 katao ang tinipon sa assembly point na binuksan ng munisipalidad ng Horby, na ang temperatura ay bumagsak sa minus five degrees Celcius o 23 degrees Fahrenheit.
Nitong Miyerkoles at Huwebes ng gabi, ay binigyan ng mga awtoridad ng pagkain ang mga taong natipon doon at ginamot ang ilan na maysakit.
Ayon sa Swedish Transport Administration, halos isanglibong mga sasakyan ang na-trap dahil sa yelo, at ang mga kalsada ay inaasahang mananatiling sarado hanggang ngayong Biyernes.
Kaugnay nito ay nanawagan ang pulisya sa mga residente na iwasan ang pagbiyahe sa nasabing rehiyon.
Sa katabi naman nitong Denmark, ang mga motorista ay inabisuhan na iwasang gumawi sa paligid ng Aarhus, ang ikalawang pinakamalaking siyudad sa bansa, kung saan ang traffic jams ay umabot na sa 30 kilometro (18.6 milya).
Sinabi ng Danish police, “The roads are causing major problems… many motorists have been stuck in queues for several hours. So think twice and stay at home.”
Sa Denmark, ay hanggang kalahating metro ng yelo ang bumagsak, pinakamalaki simula noong 2011 ayon sa meteorological institute na DMI.
Sa malayong hilagang bahagi ng Norway, sa Kautokeino, ang temperatura ay bumagsak sa minus 41.6C sa magdamag.
Ang mga eskuwelahan ay namalaging sarado sa ilang munisipalidad sa timog ng bansa kasunod ng malakas na pag-ulan ng yelo sa nakalipas na mga araw, at ilan ay inaasahang mananatiling sarado hanggang ngayong Biyernes.
Inabisuhan ng pulisya ang mga motorista na iwasan munang magmaneho, habang kinansela naman ang biyahe ng mga tren sa pagitan ng Oslo at Kristiansand.
Sa Norwegian capital, ay inaasahang babagsak hanggang minus 25C ang temperatura ngayong weekend.
At sa Finland, isang bagong seasonal cold record ang naitala sa Enontekio sa northwest ng bansa, kung saan ang temperatura ay bumagsak sa minus 42.1C.