Malubhang pagbaha nagbabanta sa China
Inaasahang makararanas ng malubhang pagbaha ang ilang bahagi ng southern China, dahil sa malalakas na mga pag-ulan na nagbunsod upang tumaas ang tubig sa Pearl River delta sa kaniyang pinakamataas na lebel sa halos isang siglo.
Daan-daang libong katao ang inilikas mula sa mga lugar na pinakamalubhang binaha, gaya sa Guangdong province, isang manufacturing at logistics hub na tahanan ngShenzhen, ang tech capital ng China.
Isinailalim ng ministry of water sa pinakamataas na flood alert ang Pearl River basin, sa pagsasabing ang water levels sa isang lokasyon ay lumampas pa sa “historical records,” at maaapektuhan nito ang provincial capital na Guangzhou.
Makikita sa ilang images mula sa lungsod ng Shaoguan, hilaga ng Guangzhou, ang mga residenteng naglalakad sa bahang kalsada, ang tubig sa ibang lugar ay umabot pa sa bubong ng mga sasakyan.
Pinasok ng maputik na tubig ang mga tindahan at mga gusali, kung saan makikita ang mga tao na inaalis ang mga debris.
Ang low-lying Pearl River delta ay tahanan ng economic powerhouses ng Guangzhou at Shenzhen, maging ng ilang maliliit ngunit lubhang matataong mga siyudad na kinaroroonan ng mga pangunahing manufacturing industries at iba pa.
Sinabi ng provincial emergency management authorities, na ang direct economic losses ay tinatayang 1.7 billion yuan ($253 million).
Sa ilalim ng highest alert level, ang mga lugar na nasa panganib sa Guangdong ay natasang gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang, gaya ng pagsuspinde sa pasok sa mga pabrika at pagsasara ng mga paaralan para mabawasan ang pinsala.
Ang iba pang mga rehiyon sa timugang China, kabilang ang coastal Fujian province sa Guangxi, ay naapektuhan din ng napakalakas na mga pag-ulan ngayong buwan, na nagtulak sa daan-daang libong katao para lumikas.
Karaniwan na ang mga pagbaha sa ilang bahagi ng China kapag tag-araw, ngunit naging mas matindi ito sa mga nakalipas na taon bilang resulta ng climate change.
Gayunman, ang grabeng pagbaha ngayong taon ay hindi naman direktang iniuugnay ng Chinese authorities sa climate change.
Ang baha ay tinawag ng ilang local media na isang “once-in-a-century flood,” kung saan iniulat nila na ang water levels ay lumagpas pa sa pinakamataas na naitala noong 1931 at halos makakatulad na ng pinakamalalang pagbaha na naranasan sa lugar noong 1915.
© Agence France-Presse