Mandatory Hotel quarantine ng mga dumarating sa Hong Kong, babawasan
Inanunsiyo ngayong Lunes ni Chief Executive John Lee, na mula sa dating isang linggo ay babawasan na ng Hong Kong at magiging tatlong araw na lamang ang mandatory hotel quarantine para sa mga darating galing ibang bansa.
Mula sa pagiging global logistics at transportation hub, higit dalawang taong nawalan ng kontak ang Hong Kong sa iba pang panig ng mundo, sa ilalim ng mahigpit nilang pagsunod sa zero-Covid policy ng China.
Sa ilalim ng ilan sa pinakamahigpit na pandemic rules, naging requirement ng Hong Kong sa lahat ng overseas at Taiwan arrivals na sumailalim sa pitong araw na mandatory quarantine at repeated testing habang naka-confine sa isang designated hotel, isang paghihigpit na inireklamo ng mga residente at ng business community, dahil napigilan nito ang kanilang pagbiyahe.
Ayon kay Lee . . . “We hope to maintain livelihood activities and Hong Kong’s competitiveness, and to give the society the best development momentum and economic vitality.”
Itinanggi rin nito na ang naturang pagluluwag ay senyales ng anomang paghiwalay sa polisiya ng China.
Kasabay ng bagong quarantine arrangements, ipatutupad din ng Hong Kong ang isang health code system na katulad ng government-developed tracking app ng mainland China.
Sa ilalim ng sistema, ang isang infected person ay bibigyan ng red code na magbabawal sa kanila na umalis sa quarantine site . Ang overseas arrivals naman ay bibigyan ng yellow code at hindi papayagan sa mga lugar gaya ng restaurants, bars, gyms, at mga sinehan sa panahon ng apat na araw nilang self -monitoring.
© Agence France-Presse