Mandatory ROTC training lusot na sa Senado
Lusot na sa Committee level ng Senado ang panukalang Mandatory ROTC training sa lahat ng mga estudyante sa kolehiyo.
Ayon kay Senador Ronald dela Rosa, bago magbakasyon ang Kongreso ngayong Marso, posibleng mai-endorso na ang Committee report hinggil dito sa plenary ng Senado.
Sinabi ni dela Rosa kung agad maaprubahan ngayon taon, posibleng sa 2024 maisama na ito sa curriculum ng mga estudyante.
Sakop ng babalangkasing batas ang lahat ng College students at nasa mga Vocational school, babae at lalaki o anuman ang kanilang kasarian.
Sa huling pagdinig kahapon humarap pa sa pagdinig ang isang grupo ng mga kabataan at iginiit na hindi dapat gawing mandatory rotc at bigyan sila ng kalayaang mamili.
Pero ayon sa mga Senador, ang ROTC ay hindi pagsasanay para maging sundalo o pumasok sa military ang mga kabataan.
Nakapaloob sa programa ang pagsasanay ng mga kabataan sa disaster response, personality development at pagkamakabayan.
Nilektyuran pa ni Senador Robin Padilla ang mga ito at iginiit na hindi ito para sa militarisasyon kundi para magkaroon ng chain of command.
Ayon naman kay Defense Secretary Carlito Galvez, bukod sa pagiging disiplinado at makabayan, malaki ang maitutulong ng ROTC program at training para sa masolusyunan ang problema sa mental health ng mga kabataan.
Pagtiyak naman ng Senado, hindi magagamit ang ROTC sa hazing o anumang uri ng pang-aabuso.
Maglalagay rin ang Senado ng dalawampung bilyong pisong inisyal na budget para sa recruitment ng mga sundalo na makatutulong sa training ng mga kabataan.
Meanne Corvera