Mangingisda na sakay ng tumaob na bangka sa Pangasinan, nasundo na ng Philippine Coast Guard
Nasa maayos na kondisyon na at ibabalik na sa kani-kanilang pamilya ang 15 mangingisda na sakay ng isang fishing boat na tumaob sa karagatang sakop ng Pangasinan.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nasundo na nila ang mga nasabing mangingisda matapos masagip mula sa tumaob na bangka.
Isinailalim rin sila sa medical check-up upang matiyak na sila ay nasa maayos na kondisyon.
Mula sa Cunanan Wharf ay bumiyahe ang mga taga-PCG Pangasinan kasama ang 15 mangingisda patungong Infanta, Pangasinan.
Nauna nang iniulat ng PCG na tumaob ang bangka na Aqua Princess. Nailigtas naman ang mga mangingisda na may edad 24 hanggang 55-anyos.
Sinasabing nakakapit pa sa kanilang tumaob na fishing boat ang mga mangingisda nang sila ay matagpuan ng MV Kumano Maru.
May dalawang mangingisda na una nang nakarating sa Coast Guard sub- station para i-report ang insidente na nangyari noong Miyerkules kaya agad nakapaglunsad ng search and rescue operations.
Madz Moratillo