Manila Bay reclamation, iimbestigahan ng Senado
I-imbestigahan na rin ng Senado ang patuloy na reclamation project sa Manila Bay kahit pa walang permit para dito
Ayon kay Senador Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, kapag itinuloy ang reclamation, nangangahulugan ito ng malawakang pagbaha sa Metro Manila lalo na sa Las Piñas, Pasay, Parañaque at ilang barangay sa Cavite.
Sinabi ng mambabatas na dahil sa reclamation, nasarhan ang anim na malalaking ilog sa mga syudad na ang tubig ay patungo sana sa Manila Bay.
Sa ngayon aniya ay may 21 reclamation project sa Manila Bay matapos aprubahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Environmental Compliance Certificate (ECC) para dito.
Dagdag pa ni Senator Villar na inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DENR na repasuhin ang lahat ng inisyung ECC at rebisahin din ang patakaran sa reclamation.
Pero kung walang magiging desisyon, sinabi ni Villar na libu-libong residente ng Las Piñas at karatig siyudad ang maaaring magsagawa ng protesta.
Katunayan, aabot na aniya sa 320,000 na mga residente ang lumagda sa mga petisyon laban sa reclamation.
Babala pa ng mambabatas na maaring tamaan ng reclamation ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park na idineklarang protected area.
“’Pag hindi sila tumigil, magra-rally kami. Ipakikita namin na we have to stop.
Hindi naman pwede simulan nang walang permit. Nag-isyu lang ng ECC pero walang permit. Sinabi ng presidente na rerebyuhin lahat ng reclamation,” pahayag ni Sen. Villar.
Kasabay ng pagdiriwang ng Environment Month, ipinagdiwang noong weekend ang ika-5 taong anibersaryo ng Las Piñas Wetland Park matapos itong ideklarang protected area sa pamamagitan ng clean-up drive at iba’t ibang aktibidad sa pangangalaga sa kalikasan.
Nakiisa rito ang mga kabataan at ibat-ibang ahensya ng pamahalaan.
Ang 180 ektaryang wetland park ang natatanging Mangrove Forest sa Metro Manila at nagsisilbing refueling stop ng mga migratory birds.
Apela naman ng senador sa publiko, tumulong para protektahan ang wetland park dahil isa ito sa maaring magsalba sakaling magkaroon ng malakawang pagbaha.
“Patuloy po tayong lumalaban na mapigilan ang mga proposed reclamation projects in the vicinity that threaten the survival of this protected area. We are strongly opposing the reclamation projects on this side of Manila Bay because it will also impede the free flow of water of the 6 rivers in the area, namely: the Parañaque River, the Las Piñas River, the Zapote River, the Molino River, the Bacoor River and the Imus River. If that will happen along with the phenomenon of climate change, disastrous flooding,”
Meanne Corvera