Manila LGU may libreng sakay sa mga pasahero
Nakaantabay dito Kartilya ng Katipunan simula pa kaninang 5am sa Lungsod ng Maynila ang alok na libreng sakay ng Manila City LGU para sa mga pasaherong maaapektuhan ng tatlong araw na transport strike na nagsimula ngayong Lunes.
Sinabi ni Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Director Arnel Angeles kahapon pa lang ay inihanda na ang mga sasakyan na idideploy para sa libreng sakay.
Kabilang aniya dito ang tatlong Hilux at dalawang mobile transport vehicle ng MDRRMO na puwedeng maglulan ng 40 pasahero bawat isa.
Mayroon ding mobile clinic truck ang MDRRMO na kayang magsakay ng 30 pasahero.
Nakastandby din ang kanilang incident command unit kung sakaling kailanganin.
May 14 na back-to-back Hilux din mula sa Manila Police District.
Ayon pa kay Angeles, magpapadala rin ng sasakyan ang BJMP bilang augmentation sa libreng sakay.
Aniya, ang unang libreng sakay ay idineploy sa Isetann Recto na biyahe San Juan makaraan na iulat ang pagtitipon doon ng pasahero at ang ikalawa ay biyaheng Isetann Recto- Cubao.
Moira Encina