Manila LGU nagbabala sa mga negosyanteng magsasamantala at magbebenta ng overpriced face mask kasunod ng 2019 novel corona virus scare
Muling nagbabala ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga negosyante na magbebenta ng overpriced o sobrang mahal na face masks, lalo na ang N95 masks.
Ito ay sa harap na rin ang usapin ng Coronavirus, na ngayon ay mahigpit na minomonitor ng Department of Health at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno.
Bukod dito, marami pa ring nangangailangan ng mga face mask sa mga lugar na apektado ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ayon kay Levi Facundo, ang hepe ng Manila Bureau of Permits, ang anumang negosyo o tindahan na nagtitinda ng sobrang mahal na medical supplies gaya ng face masks ay kanilang sisitahin at hindi palalagpasin.
Sinabi ni Facundo na ang katanggap-tanggap na presyo ng mga N95 mask sa kasalukuyan ay nasa pagitan lamang ng P50 hanggang P100 kada piraso.
Kapag napatunayan ng Manila Bureau of Permits na overpriced ang mga tindang face mask ng mga negosyante, sinabi ni Facundo na babalaan ang mga ito o kaya’y iisyuhan ng show cause order.
Pinakamatinding parusa ay multa o pagbawi sa business permit.
Kaugnay nito, sinabihan na rin ni Facundo ang mga tindahan na alamin ng “identity” o pagkakakilanlan ng mga kustomer na bulto kung bumili ng mga face mask.
Hindi kasi aniya malayo na nagbebenta ang mga ito “online” kung saan mas mahal din ang bentahan.
Ulat ni Madelyn Moratillo