Manila-RTC, ipinag-utos ang muling pag-aresto sa mag-asawang Tiamzon
Muling ipinapaaresto ng Manila Regional Trial Court ang mag-asawang cpp-npa leaders na sina Benito at Wilma Tiamzon.
Ito ay batay sa limang pahinang kautusan ni Presiding Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila RTC Branch 32.
Bukod sa mga Tiamzon, ipinagutos din ng korte ang pag-aresto kay Adelberto Silva.
Kinansela rin ng hukuman ang tig-100 libong pisong cash bond na inilagak ng tatlo para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Ang kautusan ay ipinalabas ng Manila RTC kasunod ng mosyon ng DOJ at ng Office of the Solicitor General para sa muling pagdakip sa mga akusado matapos kanselahin ni Pangulong Duterte ang peace talks sa CPP-NPA.
Ang tatlo ay nahaharap sa 15-counts ng kasong murder dahil sa natuklasang mass grave sa Leyte noong 2006.
Pansamantalang nakalaya ang tatlo noong 2016 para magkaroon ng partisipasyon sa negosasyon sa pagitan ng GRP peace panel at ng CPP-NPA NDF.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===