Maramihang COVID-19 tests, kinansela ng mga lungsod sa China bilang pagluluwag sa mga restriksiyon
Kinansela na ng maraming lungsod sa China ang kanilang routine mass Covid tests ngayong linggo, ilang araw makaraang i-anunsiyo ng Beijing ang limited relaxations ng mahigpit nilang zero-Covid policy na bumuhay sa pag-asa ng marami sa unti-unting reopening ng China.
Noong Biyernes ay nag-isyu ang National Health Commission (NHC), ng 20 mga tuntunin para ma-optimize ang zero-Covid, kung saan niluwagan ang ilang restriksiyon upang limitahan ang social at economic impact nito.
Nitong Miyerkoles ay nag-ulat ang China ng higit 20,000 mga bagong infection, ang pinakamataas na bilang simula noong Abril na ang major outbreaks ay nangyari sa mga siyudad ng Guangzhou at Chongqing.
Ang routine mass PCR testing ay isa sa mga pangunahing hakbang na ginagamit sa pag-trace ng outbreaks, kung saan sa mga siyudad ng Beijing at Shanghai ay requirement sa mga residente na magpakita ng 72-hour test results bago makapasok sa mga pampublikong lugar at makasakay sa pampublikong transportasyon.
Subalit marami ang nagreklamo na pagsasyang lamang ito ng oras at ang mahahabang pila ay nakapagpapataas lamang sa panganib ng hawahan, habang ang operasyon ng free testing services ay lubhang nagpalaki sa gastusin ng lokal na gobyerno.
Noong Linggo ay binuwag na ng Shanghai ang kanilang city district mandatory mass testing, ayon sa isang report banggit ang mga lokal na opisyal na ayaw magpakilala.
Noon ding Linggo ay nangako ang Shijiazhuang, isang lungsod ng 11 milyong katao na nasa northern Hebei province, na ipatutupad nila ang 20 mga tuntunin sa isang bukas na liham sa mga residente.
Sa ulat ng China Newsweek, kinansela na ang routine mass testing maliban para sa “key groups,” banggit ang mga lokal na opisyal.
Ayon sa local media reports, hihingan pa rin ang mga residente ng 72-hour test result para makasakay sa pampublikong transportasyon at makapunta sa mga pangunahing lugar gaya ng hotels.
Ang iba pang siyudad gaya ng Yanji sa northeastern Jilin province at Hefei sa eastern Anhui province, ay nagkansela na rin ng routine mass testing sa unang bahai ng linggong ito.
Ang mga bagong panuntunan ay nagsasabi na ang “saklaw ng nucleic acid testing ay hindi na dapat palawakin at ang mass testing ay hindi isasagawa sa mga lugar na walang outbreak maliban sa mga pangunahing tauhan at mga lugar ng trabaho.”
Hinimok din ng bagong mga panuntunan ang mga lokal na pamahalaan na “itama ang hindi siyentipikong mga hakbangin gaya ng dalawa o tatlong tests bawat araw.”
Inanunsiyo naman ng mga lokal na awtoridad, na ang lungsod ng Ghulja sa northwestern region ng Xinjiang ay magpapatuloy na sa normal na buhay at trabaho ngayong Miyerkoles, at inalis na ang tatlong buwang mahigpit na lockdown na nagdulot ng kakulangan sa pagkain.
© Agence France-Presse