Marathon Session isinasagawa ng Kamara para pagtibayin na ang 2023 National Budget ngayong araw
Matapos sertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na urgent ang General Appropriations Bill inumpisahan na ng mga mambabatas ng Mababang kapulungan ng Kongreso ngayong araw ang marathon session upang mapagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang 2023 Proposed National Budget na nagkakahalaga ng 5.268 trillion pesos.
Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na nangako si House Committee on Appropriations Chairman Congressman Elizaldy Co na tatapusin na ngayong araw ang period of sponsorship at interpellations sa plenary ng lahat ng hinihinging pondo ng ibat-ibang ahensiya ng gobyerno kasama ang attached agencies at constitutional bodies.
Ayon kay Romualdez sa sandaling matapos ang period of sponsorship at interpellations ng General Appropriations Bill ay agad na itong isasalang ngayong araw sa third and final reading upang maipasa na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Senado ang kanilang bersiyon sa panukalang pambansang pondo.
Umaasa naman ang Kamara na bago matapos ang taong kasalukuyan ay mapipirmahan na ni Pangulong Marcos Jr. ang 2023 General Appropriations Act upang maiwasan ang pagkakaroon ng re-enacted National budget.
Vic Somintac