Marburg virus outbreak sa Guinea, tapos na
Idineklara ng Guinea na tapos na ang isang outbreak ng Marburg virus na kabilang sa pamilya ng Ebola.
Kinumpirma ng health authorities sa Guinea ang unang napaulat na kaso ng Marburg sa West Africa noong August 9, sa isang lalaki na ang sakit ay na-detect isang linggo bago ito namatay.
Wala pang gamot o bakuna para sa Marburg na kabilang sa kaparehong filovirus family gaya ng Ebola.
Kasama sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat at internal at external bleeding.
Upang maiwasan ang pagkalat ng virus, minonitor ng Guinea health authorities ang mga naging kontak ng pasyenteng namatay.
Sa isang pahayag ay sinabi ng World Health Organization (WHO), na wala nang iba pang kaso ang na-detect mula noon, kayat ang outbreak ay tapos na.
Ayon kay WHO Africa director Matshidiso Moeti . . . “Without immediate and decisive action, highly infectious diseases like Marburg can easily get out of hand.”
Dagdag pa niya . . . “Guinea’s growing expertise in responding to viral outbreaks had prevented a ‘spillovers’ and saved lives.”
Ang mahirap na bansa na may 13 milyong populasyon, ay grabeng tinamaan ng West African Ebola outbreak noong 2013-2016 na ikinasawi ng nasa 2,300 katao.
Muling lumitaw ang Ebola sa Guinea Pebrero ng kasalukuyang taon, na ikinamatay ng 12 katao bago idineklarang tapos na nitong Hunyo.