Marcos-Duterte tandem suportado ng Scouts Royale Brotherhood
Nagpahayag ng suporta ang National at International Officers ng Scouts Royale Brotherhood International Service Fraternity and Sorority, Inc. sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice- presidential aspirant Mayor Sara Duterte sa eleksyon.
Sa manifesto na iprinisinta ni SRB Chairman Emmanuel Sipin kay House Majority Floor Leader Martin Romualdez na kumakatawan sa UniTeam, sinabi na nakumbinsi sila ng isinusulong na pagkakaisa sa bansa ng BBM-Sara tandem sa pagbuo ng produktibong hinaharap mula sa epekto ng pandemya.
Ayon sa SRB, ang unity platform ng tambalang Marcos-Duterte ay consistent sa pananaw ng kanilang grupo sa paghubog sa mga indibiduwal na nais maglingkod sa kapatiran para sa mas magandang lipunan.
Nakikita ng SRB na sa ilalim ng liderato nina Marcos-Duterte ang sama-samang pagtatatag ng mas matibay na nasyon na ang layunin ay mapagbuti ang pamumuhay ng mga Filipino.
Tiniyak ni Romualdez na si BBM ay may kakayanan at handa sa trabaho bilang presidente ng bansa.
Inihayag pa Romualdez na si Marcos ay desididong maglingkod at sa tulong ni Inday Sara ay tiyak na ang pagbangon at tagumpay sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Tiniyak din ng SRB ang suporta sa Tingog Partylist na consistent din sa kanilang vision.
Ang Manifesto ng SRB ay tinanggap ni Tingog Partylist second nominee Jude Acidre.
Ang iba pang nominees ng Tingog Partylist ay sina Congresswoman Yedda Marie Romualdez at Karla Estrada.
Naging host sa event si Atty. Sheila Manuel, spokesperson ng United Pilipinas na parallel group ng UniTeam na binubuo ng 30 organisasyon na may 2.7 milyon miyembro.
Dumalo rin sa event si Victor Manuel na pinsan ni Marcos at dating MMDA Chairman Benhur Abalos na national campaign manager ni BBM at miyembro ng SRB Fraternity Don Bosco Mandaluyong Chapter.
Madelyn Moratillo