Marcos gov’t humirit ng P10B Intelligence at Confidential funds
Ibinunyag ng Department of Budget and Management na humirit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P1.4 bilyong pondo para sa kanyang local at foreign trips para sa 2024.
Ayon kay Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, mas mataas ito ng 58% kumpara sa P893.87 milyong pondo ngayong taon.
” Iyong travel po ng Presidente, dalawa pong klase iyan – mayroon pong state visit that they invite you and then mayroon din po iyong mga investment road show. When I was asked previously po doon sa SONA kung ano po sa tingin ko ang nagawa ng… this administration in such a short time – I think to bring us back to the map of an investment hub and opportunity po for other countries ” bahagi nang pahayag ni DBM Secretary Amenah Pangandaman
Mula ng maupo sa pwesto noong Hunyo ng 2022 labing apat na biyahe na sa abroad ang ginawa ni PBBM.
Depensa ni Pangandaman, hindi lang si Pangulong Marcos ang bumibiyahe sa ibang bansa kundi maging ang economic team para makahiyat ng mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas.
Kinumpirma rin ni Pangandaman na naglaan ng 9.2 bilyong pisong pondo para sa confidential and intelligence fund ang gobyerno sa ilalim ng P5.768-trillion National Expenditure Program para sa 2024.
Mas mataas aniya ito ng 120 milyong piso kumpara sa inilaang pondo noong nakaraang taon.
Ang 4.3 bilyon rito ay para sa confidential funds habang 4.9 bilyon naman sa intel funds para yan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Pero ang problema kapag nasa ilalim na ng tinatawag na confidential and intelligence fund mahirap para sa Commission on Audit na busisiin ito.
Ayon kay Pangandaman, ilan sa mga humirit ng dagdag pondo ay ang Department of Information and Communications Technology, Anti-Money Laundering Council at Presidential Security Group.
Nilinaw naman ng opisyal na kung ikukumpara sa mga dating inilalaan nila..mas mababa na ito ngayon.
“If you will look po, iyong total niya, iyong percent share niya to the national government, actually it’s on a decreasing trend. In 2018 po, ang share po ng CIF sa total national budget is 0.215%; noong 2019, it’s 0.192%; 2020 – 0.235%; 2021 – 0.212%; 2022 – 0.183%; 2023 – 0.190%; and sa 2024 po, it’s only 0.176%. So it’s the lowest po doon sa time series natin.” dagdag pa ng kalihim
Paliwanag ng DBM, ang hirit na dagdag pondo ng DICT para sa intel ay para sa cyber programs nito habang ang para sa PSG ay para naman sa intel activities na ginagawa towing may biyahe sa labas ng bansa ang Pangulo.
Batay sa isinumiteng panukalang pambansang pondo para sa 2024 nasa 4.5 bilyong piso ang hirit na intel fund ng tanggapan ng Pangulo.
Mas mataas kaysa 1.7 billion pesos na inilaan para sa Department of National Defense.
Madelyn Moratillo