Marcos magsasalita sa economic briefing sa NY; economic team at ilang negosyante kasama sa delegasyon
Ang ekonomiya ang isa sa mga pangunahin na pagtutuunan sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New York, USA.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na bukod sa talumpati ni Marcos sa United Nations General Assembly (UNGA) ay magsasalita rin ito sa Philippine Economic Briefing (PEB) doon.
Ayon kay DFA Office of American Affairs
Assistant Secretary Jose Victor Chan- Gonzaga, inaasahan na ilalatag ng pangulo sa PEB ang economic priorities ng kanyang administrasyon
Kaugnay nito, kasama sa delegasyon ni PBBM sa NY ang economic team nito gaya ng mga kalihim at opisyal ng DOF, DTI, at NEDA bukod pa sa DFA officials.
Kabilang din sa official delegation ni Marcos ang nasa 20 hanggang 30 negosyante.
Makikipagpulong din si Marcos sa US companies, US Chamber of Commerce, US-ASEAN Business Council, at US-Philippines Society.
Sinabi ng DFA na nilinaw ni PBBM sa simula pa lang ng paghahanda sa New York trip na dapat tumuon ang lahat ng kaniyang pulong doon sa paghanap ng partnerships na pakikinabangan ng ekonomiya ng Pilipinas at mga Pilipino.
Moira Encina