Rappler’s Ressa, reporter, hiniling sa Korte na ibasura ang Cyberlibel case na isinampa ng College of St. Benilde Professor
Naghain ng mosyon sa Manila Regional Trial Court (MRTC) sina Rappler CEO Maria Ressa at reporter na si Rambo Talabong para ipabasura ang kasong cyberlibel na isinampa ng isang professor ng De La Salle- College of St. Benilde.
Ang kaso ay nag-ugat sa artikulong inilathala ng Rappler at isinulat ni Talabong noong Enero 23, 2020 kaugnay sa sinasabing Thesis for Sale.
Sa Motion to Quash information, sinabi ng mga abogado nina Ressa at Talabong na hindi malisyoso at hindi defamatory laban sa complainant na si Arnel Pineda ang nilalaman ng ulat.
Katwiran pa nila ay walang partisipasyon si Ressa bilang executive director sa pagbuo o pagsulat ng istorya ni Talabong.
Ayon pa sa kampo ng Rappler, walang hurisdiksyon ang Manila RTC Branch 24 sa kaso.
Kaugnay nito, ipinagpaliban ng korte hanggang Marso 11 ang pagbasa ng sakdal kina Ressa at Talabong nitong Huwebes habang nakabinbin pa ang kanilang inihaing mosyon.
Binigyan din ng korte ang prosekusyon ng 10 araw para magsumite ng komento sa mosyon nina Ressa at Talabong.
Sa ulat ni Talabong, sinabi na ipinasa ni Pineda sa thesis subject ang mga estudyante nito kapalit ng pagbayad ng Php 20,000.
Moira Encina