Maria Ressa at Rappler, inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng cyberlibel sa korte
Pinakakasuhan na sa korte ng DOJ ng cyberlibel ang online news website na Rappler at ang CEO at presidente nito na si Maria Ressa.
Sa pitong pahinang resolusyon ng DOJ panel of prosecutors, nakitaan nito ng probable cause ang reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act o RA 10175 na inihain ng NBI at ng negosyanteng si Wilfredo Keng laban kay Ressa at sa Rappler.
Bukod kay Ressa, inirekomenda rin ng DOJ na sampahan ng kasong cyberlibel ang kolumnista ng Rappler na si Reynaldo Santos.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban sa pitong iba pang opisyal ng Rappler Incorporated.
Ang reklamo laban kina Ressa ay nag-ugat sa artikulo ng Rappler na inilathala sa website nito noong May 29, 2012 ilang buwan bago naging batas ang RA 10175 pero na in-update noong February 19, 2014
Sa nasabing artikulo, tinukoy na pagmamay-ari raw ni Keng ang itim na SUV na ginagamit noon ni Dating Chief Justice.
Inakusahan din si Keng ng pagkakasangkot sa drug trafficking, smuggling at murder.
Pinaboran ng DOJ si Keng at ang NBI dahil bagamat hindi sakop ng RA10175 ang artikulo a nang ito ay orihinal na mailathala ay ni-repost at nirebisa naman ito noong 2014 kung saan maari nang panagutin sina Ressa ng cyberlibel.
Ayon pa sa DOJ, hindi pa lumalagpas ang 12 taong prescriptive period para maisulong ang reklamo sa korte.
Sinang-ayunan ng DOJ na ang pagbibilang ng prescriptive period ang paglalathala ng updated na artikulo noong February 19, 2014.
Sinabi pa ng DOJ na hindi pasok sa elemento ng privileged communications ang artikulo at hindi rin maituturing na patas at makatotohanang pag-uulat.
Ulat ni Moira Encina