‘Mars’ habitat para sa isang taong eksperimento sa Mundo, ipinakita na ng NASA
Ipinakita na ng NASA ang bago nilang Mars-simulation habitat na kinabibilangan ng apat na maliliit na silid, isang gym at napakaraming pulang buhangin, kung saan maninirahan ang mga volunteer sa loob ng isang taon upang subukin kung ano ang magiging buhay sa mga hinaharap na misyon sa planetang kapitbahay ng mundo.
Ang pasilidad, na binuo para sa tatlong naka-planong mga eksperimento na tinawag na Crew Health and Performance Exploration Analog (CHAPEA), ay nasa isang malaking research base ng US space agency sa Houston, Texas.
Apat na volunteers ang magsisimula sa unang trial ngayong summer, kung saan plano ng NASA na i-monitor ang kanilang physical at mental health upang mas maintindihan ang tibay ng tao sa mahabang isolation period.
Sinabi ni Grace Douglas, lead researcher sa CHAPEA experiments, na sa pamamagitan ng data ay mas mauunawaan ng NASA ang “resource use ” ng mga astronaut sa Mars.
Aniya, “We can really start to understand how we’re supporting them with what we’re providing them, and that’s going to be really important information to making those critical resource decisions. Such a distant mission comes with very strict mass limitations.”
Ang mga volunteer ay titira sa loob ng isang 1,700 square-foot (160 square-meter) na bahay, na tinatawag na “Mars Dune Alpha,” na kinabibilangan ng dalawang banyo, isang vertical farm para pagtaniman ng gulay, isang silid na nakatuon sa pangangalagang medikal, isang lugar para sa pagpapahinga at ilang mga workstation.
Isang airlock ang humahantong sa isang “outdoor” reconstruction ng Martian environment, bagama’t matatagpuan pa rin iyon sa loob ng hangar.
Ilang piraso ng equipment na malamang na gagamitin ng astronauts ang nakakalat sa paligid ng sahig na nababalutan ng pulang buhangin, kabilang ang isang weather station, isang brick-making machine at isang maliit na greenhouse.
Mayroon ding treadmill kung saan lalakad ang mga nagpapanggap na astronaut, habang nakabitin sa straps upang gayahin ang mas mababang gravity ng pulang planeta.
Biro ni Suzanne Bell, head ng Behavioral Health and Performance Laboratory ng NASA, “We really can’t have them just walking around in circles for six hours.” At idinagdag na, “Four volunteers will use the treadmill to simulate long trips outside to collect samples, gathering data or building infrastructure.”
Ang mga miyembro ng unang experiment team ay hindi pa pinangalanan, ngunit sinabi ng ahensya na ang pagpili ay “susunod sa karaniwang pamantayan ng NASA para sa astronaut candidate applicants,” na may matinding diin sa mga background sa agham, teknolohiya, matematika at engineering.
Regular na susuriin ng mga mananaliksik ang tugon ng crew sa mga nakababahalang sitwasyon, tulad ng kakulangan sa tubig o hindi paggana ng equipment.
Ang habitat ay may isa pang special feature: ito ay 3D-printed.
Sinabi ni Douglas, “That is one of the technologies that NASA is looking at as a potential to build habitat on other planetary or lunar surfaces.”
Ang NASA ay nasa mga unang bahagi na ng paghahanda para sa misyon sa Mars, bagama’t mas nakatuon ngayon ang ahensiya sa paparating na Artemis missions, na ang layunin ay ibalik ang tao sa Buwan sa unang pagkakataon makalipas ang kalahating siglo.
© Agence France-Presse