Mas mabilis na resulta asahan sa 2025 Midterm Elections – Comelec
Mas mabilis na resulta ng halalan ang pangako ng Commission on Elections sa gaganaping May 2025 Midterm Elections kung saan gagamit ng bagong makina at sistema.
Katunayan ayon kay Comelec Chairman George Garcia, sa loob lang ng isang oras pagkatapos ng halalan pwede ng malaman na ang mga nanalo sa local elections.
Para naman sa mga Senador,madaling araw palang kinabukasan ng eleksyon, pwede na aniyang malaman ang top 10.
Hindi kagaya sa nakaraang halalan na hapon na magkaalaman.
Sa 2025 Automated Elections ang unang pagkakataon na gagamit ang Comelec ng magkahiwalay na kumpanya para sa sistema ng pagboto at transmission.
Para sa Automated Canvassing System, Miru Systems Company Limited ng Korea ang nakakuha ng kontrata, habang inaprubahan na ng Comelec en Banc ang rekumendasyon ng kanilang Special bids and Awards Committee para sa transmission service.
Para rito, ang kumpanyang Ione Resources Inc. ang napili.
Pinawi ni Garcia ang anumang pangamba ng publiko dahil bago ang halalan, isasalang pa naman sa ibat ibang review at pagsusuri ang sistema ng mga ito.
Lahat din aniya ay namomonitor ng Department of Information and Communications Technology para sa mas mabilis na counter checking.
Pero paalala ng Comelec kahit gaano kagaling ang sistema o makina na gagamitin sa halalan, hindi naman nito kayang pigilan ang pagkakaroon ng mga iregularidad sa panglabas na programa gaya ng vote buying at karahasan kaya mahalaga parin ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at ng publiko.
Madelyn Villar-Moratillo