Mas mahabang termino ng presidente, bise presidente ,at mga mambabatas , isinusulong
Binigyang diin ni Pampanga 3rd District Rep. Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr.na hindi siya makikinabang maging ang sinumang nasa huling termino ng kanilang panunungkulan.
Ito ang paglilinaw ni Gonzales sa Panayam ng Programang Sa Ganang Mamamayan hinggil sa kanyang isinusulong na panukala para palawigin ang termino ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon kay gonzales ang kasalukuyang termino ng mga halal na opisyal ay masyadong maikli lalo na sa panahon ng krisis at bahagi ng kanilang termino ay ginagamit sa reelection-related activities.
Alinsunod sa Resolution of Both Houses No. 7 na inihain ni Gonzales, ang Pangulo ng bansa ay magkakaroon ng limang taong termino at maaari pang sumalang sa reelection o kabuuang 10 taon.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang Pangulo ng bansa ay papayagan lamang sa anim na taong termino at hindi maaaring mag-reelection.
Nais din ng mambabatas na pagbawalan ang Pangulo na kumandidato sa iba pang elective post kapag nakatapos na ito ng kanyang termino.
Nakasaad din sa proposal na gagawing limang taon ang termino ng Vice President at ang boto para sa Pangulo ay katumbas ng boto sa Pangalawang Pangulo bilang running mate.
Kung maisasabatas ang panukala, mas magiging mahaba rin ang termino ng mga kongresista na magiging limang taon at mayroong reelection.