Mas malalim na pagkakaisa at kooperasyon ng mga bansa sa buong mundo ngayong panahon ng Pandemya, ipinanawagan ni Pangulong Duterte
Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangang maging bukas, magkaroon ng mas malalim na pagkakaisa at mas malakas na kooperasyon ang mga bansa sa buong mundo sa pananalasa ng Covid-19 Pandemic.
Ito ang isinulong ni Pangulong Duterte sa kanyang partisipasyon sa Aqaba Process virtual meeting on Covid-19 response na pinangunahan ni King Abdullah II ng Jordan.
Sa kaniyang mensahe sinabi ng Pangulo na ito na ang pinakamatinding hamon na kinakaharap ng sangkatauhan sa kasaysayan ng daigdig.
Ayon sa Pangulo walang bansa gaano man ito kalaki o kaliit ang pinaligtas ng Pandemya ng Covid-19.
Inihayag ng Pangulo sa kauna-unahang pagkakataon ang sangkatauhan ay natakot sa isang matinding kalaban na hindi nakikita ng mga mata na nagdala ng malawak na pinsala sa buhay at kabuhayan sa buong mundo.
Dahil dito sinabi ng Pangulo na pare-pareho ang naging tugon ng lahat ng bansa ay isara ang mga border at magpatupad ng limitadong galaw at kalakalan na ang resulta ay ang pagsadsad ng ekonomiya, pagkakaroon ng krisis sa mga institusyon at pagkakaroon ng kawalang kasiguruhan ng mga lipunan.
Nagpapasalamat ang Pangulo kay King Abdullah II ng Jordan sa napapanahong Aqaba process meeting para sa pagkakaisa ng mga bansa sa buong mundo.
Vic Somintac