Mas simpleng income tax sa mga self-employed at professionals sinimulan nang talakayin sa Senado
Sinimulan na ng Senate Ways and Means Committee ang pagtalakay sa mas simpleng paraan ng pagbabayad ng income tax ng mga self-employed at professionals.
Binigyang diin ni Senador Sonny Angara na wala pa halos sampung porsiyento ang nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue mula sa mga self-employed.
Itoy dahil sa mahirap na proseso sa pagbabayad ng buwis.
Sa tala ng BIR noong 2014, 31.04 billion pesos lamang ang nakolekta mula sa target na 358.5 billion pesos mula sa 517,668 na naitalang self-employed sa bansa.
Isa sa nakikitang dahilan ni Angara ang kumplikadong tax rates kung saan hinahati sa pitong bracket at dumedepende sa annual taxable income ang babayaring buwis mula 5% hanggang 32%.
Ayon sa BIR may ginagawa naman silang hakbang para mapaayos ang pangongolekta ng buwis.
Isa sa mga ipinapanukala ay gawing walong porsyento na lang ang flat rate ng lahat ng bracket.
Pero kailangan pa itong pag-aralan dahil baka pasanin naman ito ng mga negosyanteng mababa ang kita.
Ulat ni: Mean Corvera