Mass testing pinalawak pa ng Beijing
Inilunsad ng Beijing ang mass coronavirus testing para sa halos lahat ng 21 milyon nilang mga residente, bunsod ng tumitinding pangamba na muling isailalim sa lockdown ang Chinese capital gaya ng nangyari sa Shanghai.
Tinatangka ng China na pigilan ang wave ng impeksiyon sa Shanghai, ang pinakamalaki nilang lungsod na ilang linggo nang naka-lockdown ang halos lahat ng lugar, at nakapag-ulat ng 52 bagong Covid deaths nitong Martes.
Inatasan ng Beijing authorities ang 12 central districts na isailalim sa tatlong rounds ng PCR testing ang karamihan ng kanilang populasyon, matapos maka-detect ng dose-dosenang mga kaso sa siyudad sa nakalipas na mga araw.
Ang Chaoyang, pinakamataong distrito ng kapitolyo, ang unang nag-utos ng pagsasagawa ng mass testing simula nitong Lunes. Labing-isa pang mga distrito ang nagsimula na rin ng testing ngayong Martes.
Ang testing order sa Chaoyang ay nagbunsod ng panic buying simula noong Linggo ng gabi, habang sinisikap ng state media na tiyakin sa publiko na maraming supplies.
Sinabi ng mga residente sa Beijing na natatakot silang magkaroon ng biglaang lockdown gaya ng nangyari sa Shanghai, kung saan nahirapan ang mga taong makabili ng pagkain at medisina para sa mga walang sakit na Covid.
Ayon sa Beijing health official na si Xu Hejian, ang pagkalat ng virus sa siyudad ay kaya pa naman nilang kontrolin.
Ngayong Martes, ang kapitolyo ay nakapag-ulat ng 33 bagong mga kaso, maliit na bahagi ng higit 16,000 naitala sa Shanghai sa kaparehong peryodo. Subali’t gusto ng mga opisyal sa Beijing na agad na maiwasan ang outbreak.
Hinimok nila ang mga kompanya na payagan ang mga empleyado na magtrabaho na lamang sa bahay, isara ang maraming gusali at suspendihin ang local group tourism bago ang mahabang May 1 national holiday.
Nitong Lunes ay hinikayat ng mga awtoridad ang mga residente ng Beijing na huwag lumabas ng lungsod kaugnay ng mahabang holiday, maliban kung talagang kinakailangan.