Mass Vaccination program, nakasalalay sa suplay ng anti-Covid-19 vaccine na bibilhin ng PHL
Niliwanag ni National Task Force (NTF) Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na nakasalalay sa availability ng suplay ng anti COVID-19 vaccine na bibilhin ng Pilipinas ang isasagawang mass vaccination program ng pamahalaan.
Sinabi ni Secretary Galvez kung walang aberya at sapat ang supply ng anti- COVID-19 vaccine maaaring sa kasalukuyang taon ay matatapos ang pagbabakuna sa tinatayang 50 hanggang 70 milyong Filipino.
Ayon kay Galvez kung magkakaroon ng kakulangan sa supply ng anti COVID-19 vaccine, posibleng aabutin pa ng kalagitnaan ng 2022 ang pagbabakuna sa 50-70 milyong Filipino para makabuo ng tinatawag na “Herd immunity” upang makontrol ang paglaganap pa ng Pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Inihayag ni Galvez kabuuang 108 milyong doses ng anti COVID-19 vaccine ang bibilhin ng pamahalaan mula sa limang drug manufacturers bukod pa sa 44 milyong doses ng bakuna mula sa World Health Organization (WHO) Global Alliance COVAX facility.
Vic Somintac