Mastermind sa nasabat na 1.5 tons ng shabu sa Infanta, Quezon, pinatutugis sa NBI
Tiniyak ng NBI na hindi ito hihinto hanggang sa matukoy at matunton ang mga utak sa likod ng nakumpiskang 1.5 toneladang shabu sa Infanta, Quezon noong Marso 15.
Sa awarding ceremony ng mga NBI agents na kasama sa drug operations, iniutos ni NBI OIC Director Eric Distor sa mga tauhan ng Task Force Against Illegal Drugs na hanapin ang mastermind sa drug shipment at iharap ito sa kaniya.
Ang mga shabu na nakalagay sa mga tea bags na umaabot sa 1.5 tonelada at may halagang 11 bilyong piso ang pinakamalaki sa kasaysayan.
Sinabi ni NBI Spokespeson Ferdinand Lavin na
tuluy-tuloy ang operasyon at imbestigasyon ng kawanihan kaugnay sa mga nakumpiskang iligal na droga.
Hindi pa malinaw sa NBI kung banyaga o Pilipino ang nasa likod ng drug shipment.
Pero hihingin ng ahensya ang tulong ng PDEA para mabatid kung sinong drug cartel o indibiduwal ang maaaring sangkot.
Hindi pa rin tukoy ng NBI ang eksaktong lugar na pinagmulan ng mga shabu.
Ang tea bags na pinagsidlan ng droga ay may sulat na Chinese pero ang sako ng bigas na pinaglagyan ng mga tsaa ay may markings ng rice mill mula sa Thailand.
Sinusubukan na rin ng NBI na mahanap ang barko na naghatid ng mga shabu mula sa karagatan.
Nilinaw naman ng NBI na sa ngayon ay wala silang ebidensya kung may posibleng koneksyon sa darating na halalan ang shipment ng malaking halaga ng droga.
Moira Encina