Mataas na lider ng CPP- NPA, hinatulang guilty ng korte sa kasong illegal possession of explosives at firearms
Nahaharap sa parusang pagkakakulong ng hanggang 23 taon ang isang mataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon sa DOJ, hinatulang guilty ng Taguig City Regional Trial Court Branch 266 sa kasong illegal possession of explosives at illegal possession of firearms or ammunition si Tirso Alcantara alyas Ka Bart/Nissan.
Si Alcantara ay isang Executive Committee member at “kadre” o lider ng Southern Tagalog Party Committee ng CPP-NPA.
Sinentensiyahan ng hukuman si Alcantara ng parusang pagkakabilanggo na 11 taon at apat na taon hanggang 16 na taon, limang buwan, at siyam na araw at multang P50,000 para sa illegal possession of explosives.
Pinatawan din ng parusang pagkakakulong na limang taon, apat na buwan, at 20 araw hanggang pitong taon at apat na buwan, at multang P30,000 si Alcantara para naman sa illegal possession of firearms or ammunitions.
Ayon sa korte, napatunayan ng prosekusyon ang lahat ng elemento ng krimen laban kay Alcantara.
Ang kaso ay nag-ugat sa tangkang pagtakas ni Alcantara mula sa mga tauhan ng Philippine Army (PA) at Philippine National Police (PNP) na magsisilbi ng arrest order laban dito ng Lucena RTC Branch 59.
Narekober ng mga otoridad kay Alcantara ang ilang pampasabog, baril, bala, at iba pang armas.
Moira Encina