Mataas na Philhealth contribution, pinapipigil ni Senador Grace Poe kay PBBM
Pinabibigyan ni Senador Grace Poe ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na suspendihin ang pagtaas ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation.
Naghain si Poe ng panukalang batas para paamyendahan ang Republic Act 11223 o Universal Healthcare law.
Nakasaad sa panukala na maaring suspendhin ng Pangulo ang anumang dagdag-kontribusyon sa panahon ng State of National Emergency o State of National Calamity batay sa rekomendasyon ng Philhealth board.
Inihain ng Senador ang panukala dahil sa pagtaas ng singil sa kontribusyon ng Philhealth nitong Hunyo gayong marami pa aniya sa mga ordinaryong manggagawa ang hindi pa nakakabangon sa epekto ng pandemya na sinundan pa ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Mula sa dating 3 percent, itinaas ng Philhealth sa 4 percent ang premium rate.
Dahil retro-active rin ang pagtaas mula Enero nitong taon, bukod sa itinaas na kontribusyon kailangan ring magbayad ang mga miyembro ng dagdag na premium na one percent mula Enero hanggang Mayo.
Noong Enero 2021, nauna nang inatasan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Philhealth na ipagpaliban ang pagtaas ng kontribusyon sa gitna ng krisis dahil sa COVID- 19 pandemic.
Iginiit ng Senador na kahit maganda ang batas, hindi napapanahon na magtaas ng kontribusyon dahil umaahon pa ang maraming Pilipino sa epekto ng pandemya.
Meanne Corvera