Mayor Alice Guo irerespeto ang preventive suspension ng Ombudsman
Nanindigan si Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo na wala siyang kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Sa isang pahayag, sinabi ni Guo na hindi siya dapat sisihin sa iligal na operasyon ng na-raid na Zun Yuan Technology Incorporated dahil hindi naman siya ang nagre-regulate ng mga POGO kundi ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ayon sa alkalde, ang tunay na isyu ay ang reklamo ng human trafficking at serious illegal detention sa Zun Yuan at hindi siya.
Paliwanag naman ni Atty. Nicole Jamilla, abogado ni Guo, limitado lamang sa administratibong tungkulin ang pananagutan ng LGU dahil sila ay sa pag-isyu ng mga business permit lamang.
Wala rin aniyang paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act si Guo base na rin sa nakahaing reklamo sa Office of the Ombudsman.
Ang pag-isyu aniya ng permit ng LGU sa Zun Yuan ay base sa proseso at rekomendasyon ng PAGCOR at ang hindi rin agarang pagrevoke sa business permit nito ay dahil may proseso na dapat sundin.
Nanindigan naman si Guo na inosente siya sa mga paratang laban sa kanya.Tiniyak rin nya na irerespeto ang preventive suspension order na inilabas ng Ombudsman.
Madelyn Moratillo