Mayor Sarah naglabas ng pahayag matapos magpasyang tumakbo bilang Bise-Presidente sa 2022 elections
Nagsalita na si Davao city Mayor Sarah Duterte matapos magpasyang tumakbo bilang Bise-Presidente sa May 2022 elections sa ilalim ng Lakas-CMD party.
Sa kaniyang video message na ipinost sa Facebook, sinabi nitong ang desisyon niyang tumakbo sa national post ay sagot sa walang humpay na panawagan ng kaniyang mga supporter.
Bagamat nakapagdesisyon na aniya siyang huwag tumakbo sa pagka-Pangulo sa huling paghahain ng kandidatura noong October 8 ay hindi aniya tumitigil ang kaniyang mga tagasuporta sa paghimok sa kaniyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa bansa.
Hindi aniya niya kayang tiisin ang panawagan ng mga ito kaya nang dumating ang alok para tumakbo siyang Bise-Presidente ay nagkaroon siya ng pagkakataon na tugunin ang mga panawagan sa kaniya.
“I am here to answer your call. After the deadline, the offer to run for Vice President became an opportunity to meet you halfway. It’s a path that would allow me to heed your call to serve our country, and would make me a stronger person and public servant in the years that lie ahead“. – part of Mayor Sarah’s statement
Kahapon, sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan ay inihain ang kaniyang Certificate of Candidacy sa pagka-Bise Presidente sa ilalim ng Lakas-CMD bilang substitute para kay Lyle Uy na iniurong na ang kaniyang kandidatura.
Matapos ang paghahain ng COC ay kaagad nagpalabas ng resolusyon ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na nageendorso kay Mayor Sarah bilang running-mate ng standard bearer ng partido PFP na si dating Senador Bongbong Marcos.
Ngunit hanggang ngayon ay wala pang ipinalalabas na pahayag ang alkalde kung tatanggapin ang endorsement ng PFP.
Samantala, nanawagan din si Mayor Sarah sa kaniyang mga tagasuporta na manatiling kalmado at hayaan ang partido PDP-Laban na resolbahin ang kanilang sariling gusot.
Kailangan aniya ngayon ay ang pagtuon sa kapakanan ng bansa at ng mamamayan.
“I appeal to all supporters to stay calm. The problems of PDP are their own. Let them resolve the issues within their party. This is all politics and this will not matter in the years to come, or even now when what we need to focus on is our country’s recovery and the people’s welfare“.