Meghan Markle naglunsad ng bagong lifestyle brand
Naglunsad ng isang bagong lifestyle brand ang asawa ni Prince Harry ng Britain na si Meghan Markle, na tila ipinangalan sa kanilang oceanside California home.
Isang Instagram page at website para sa American Riviera Orchard ang nag-live nang walang paunang pasabi nitong Huwebes, na kapwa nagtatampok sa isang gold-colored crest para sa bagong venture.
Itinampok sa logo ang salitang Montecito, ang celebrity enclave kung saan naninirahan ang mag-asawa mula pa noong 2020, na malapit sa Santa Barbara — na kung minsan ay kilala rin bilang American Riviera
Mababasa sa biography ng naturang social media account ang: “by Meghan, The Duchess of Sussex.”
Kinumpirma ng isang kinatawan ng duchess ang kaniyang partisipasyon sa “new venture,” ngunit hindi na nagbigay ng iba pang mga detalye.
Lumilitaw na ang American Riviera Orchard ay isang brand na may temang kitchen and lifestyle.
Ang launching nitong Huwebes ay may kasamang retro-style promotional video, kung saan si Meghan Markle ay makikitang nag-aayos ng mga bulaklak at nagbi-bake sa isang kusina.
Isang mailing list ang nag-aalok sa users ng pagkakataong mag-sign up upang “unang makaalam tungkol sa mga produkto, avilability, at updates mula sa American Riviera Orchard.”
Matatandaan na mula nang iwanan ni Harry at Meghan ang kanilang royal duties noong 2020 at lumipat sa California, ay wala nang anumang post sa opisyal nilang @sussexroyal Instagram account.
Bago naman sila ikinasal, ay isinara na kapwa ang personal social media accounts at dating lifestyle blog ni Meghan Markle.
Gayunman, sa mga nagdaang taon ay itinuloy ng mag-asawa ang iba’t ibang mga pakikipagsapalaran sa media.
Binatikos nila ang royal family ng Britanya sa maraming pagkakataon, kabilang ang isang Netflix documentary series at ang blockbuster “Spare” autobiography ni Harry.
Ang mag-asawa ay mayroon ding Spotify exclusive podcast deal na nagkaroon lamang ng isang show, at natapos na noong isang taon.
Nag-drop din ang Netflix ng isang animated series na likha ni Meghan Markle.
Noong Enero ngayong taon ay sinabi ng isang executive ng Netflix, “multiple projects from the couple, including a movie, remained ‘in very early’ development.”