Mexico, tinamaan ng malakas na lindol sa anibersaryo ng matinding pagyanig na nangyari noong 1985 at 2017
Isang malakas na lindol ang tumama sa kanlurang Mexico nitong Lunes, daan-daang kilometro ang layo mula sa Mexico City na ikinasawi ng isang indibidwal at nagdulot ng panic.
Ang lindol na ayon sa National Seismological Agency ay may sukat na magnitude 7.7, ay nagpauga sa mga gusali at naging sanhi upang maglabasan sa kalsada ang mga tao.
Sinabi ni Mexican President Andres Manuel Lopez Obrador, na isa ang namatay dahil sa falling debris sa isang shopping center sa Manzanillo na nasa western state ng Colima.
Ayon sa seismologists, ang sentro ng lindol ay malapit sa Pacific coast, tinatayang 400 kilometro (250 milya ) kanluran ng kapitolyo at 59 na kilometro timog ng Coalcoman sa estado ng Michoacan. Ang lalim naman nito ay tinatayang 15 kilometro o siyam na milya.
Ito na ang ikatlong malakas na lindol na naitalang tumama sa Latin American country na ang petsa ay September 19.
Ayon sa National Seismology Agency, “The timing was no more than a coincidence. There is no scientific reason to explain it.”
Ang earthquake alarms ng Mexico City ay tumunog wala pang isang oras, makaraang magsagawa ng isang emergency drills ang kapitolyo bilang bahagi ng pag-aalala sa sakunang nangyari noong 1985 at 2017.
Sinabi ng mga awtoridad, na sa Michoacan ay isa ang nasaktan dahil sa bumagsak na salamin at mayroon ding naitalang minor damage sa mga tahanan at sa isang rural hospital.
Ilang lugar naman sa Mexico City ang nawalan ng suplay ng kuryente, na lubhang nakaapekto sa isang subway line na kinailangang i-evacuate.
Ayon pa sa National Seismology Agency, ang lindol ay nagbunsod ng dose-dosenang aftershocks, na ang pinakamalakas ay isang magnitude 5.3.
Noong September 19, 1985 ay isang 8.1 magnitude na lindol sa Mexico City ang ikinasawi ng higit 10,000 katao at sumira sa daan-daang mga gusali, at sa anibersaryo ng nasabing lindol o noong Sept. 19, 2017 ay isa namang 7.1 na lindol ang nag-iwan ng humigt-kumulang 370 kataong patay na karamihan ay mula sa kapitolyo.
Ang Mexico City ay itinayo sa isang natural basin na puno ng sediment ng isang dating lawa, kaya’t partikular itong mahina sa mga lindol.
Ang kapitolyo, kasama ng mga nakapaligid na urban areas na tahanan ng nasa higit 20 milyong katao, ay mayroong early warning alarm system na gumagamit ng seismic monitors, na ang layunin ay bigyan ang mga residente ng sapat na panahon na lumikas.
© Agence France-Presse