Mga abogado na naghahain ng gawa-gawang kaso para mapigilan ang deportasyon ng mga dayuhan, kakasuhan ng disbarment ng DOJ
Binalaan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang mga abogado na nagsasampa ng mga gawa-gawang kaso para mahadlangan ang deportasyon ng undesirable aliens sa bansa.
Ito ay sa harap ng mga kaso laban sa pinapadeport ng Japanese government na apat na mamamayan nito na pinaniniwalaan ni Remulla na inimbento lang upang hindi sila maipatapon pabalik ng Japan at managot sa mga kaso nila doon.
Ayon sa kalihim, isa ng lumang taktika ng mga abogado ang paghahain ng contrived cases o imbentong kaso para hindi maipadeport sa country of origin ang mga wanted na dayuhan na nasa Pilipinas.
Sinabi ni Remulla na hindi nila itu-tolerate ang mga nasabing gawain at sasampahan ng kaso ang mga abogado na mapatutunayang pinipigilan ang paggawad ng hustisya.
Partikular aniyang ihahain sa mga katulad na abogado ay disbarment complaint para matanggalan ang mga ito ng lisensya.
Inihayag ni Remulla na alam niya na may mga abogado na talaga na nag-i-specialize sa paghahain ng hindi totoong kaso sa mga puganteng dayuhan.
Ito ay dahil na rin sa hindi maipapadeport ang isang banyaga kung may pending na kaso ito sa Pilipinas.
Moira Encina