Mga airline, bangko at media, nakaranas ng global IT outage
Dumanas ng malawakang IT outage ang mga airline, mga bangko, TV channels, at iba pang mga negosyo, sanhi ng isang update sa isang antivirus program.
Na-ground ang lahat ng flights ng pangunahing US air airlines dahil sa isang communication issue, pero sinabi ng American Airlines na kalaunan ay natuloy din ang mga flight.
Ayon sa mga paliparan sa buong mundo, down ang kanilang check-in systems at ang mga serbisyo ay naging manu-mano kaya nagkaroon ng mga delay.
Sinabi ng Microsoft sa isang technical update sa kanilang website, na nagsimula ang problema noong Huwebes, kung saan naapektuhan ang users ng kanilang Azure cloud platform na nagpapatakbo sa cybersecurity software na CrowdStrike Falcon.
Sa pahayag ng US software giant, “We recommend customers that are able to, to restore from a backup from before this time.”
Sinabi naman ni CrowdStrike CEO George Kurtz, “Customers had been ‘impacted’ by a defect found in a single content update for Windows hosts.”
Aniya, “The issue has been identified, isolated and a fix has been deployed.”
Bumagsak din ang shares ng CrowdStrike sa 20 percent sa pre-market trading.
Mula Amsterdam hanggang Zurich, sa magkabilang panig ng buong kontinente, ang mga paliparan ay nag-ulat ng mga problema sa kanilang check-in systems.
Maging ang media companies ay nag-ulat din ng mga problema, kung saan sinabi ng Sky News ng Britanya na ang glitch ay naging sanhi upang maputol ang kanilang morning news broadcasts, habang nag-ulat din ng naranasang ‘outage’ ang ABC ng Australia.
May ilang bangko na nagreport na nagkaproblema sa pagproseso ng digital payments, habang nagkaroon naman ng disruptions ang mobile phone carriers at down ang customer services sa ilang bilang ng mga kompanya.
Dahil ang problema ay naranasan sa buong mundo, ito ang nag-udyok sa ilang eksperto upang manawagan para sa mas matatag na networks at kinuwestyon din na sa isang provider lamang umaasa para sa iba’t ibang uri ng mga serbisyo.
Sinabi ni software engineering professor John McDermid ng York University ng Britanya,“We need to be aware that such software can be a common cause of failure for multiple systems at the same time. We need to design infrastructure to be resilient against such common cause problems.”
Pinaka naapektuhan ang mga paliparan at airlines.
Ayon sa Federal Aviation Administration (FAA), “All flights ‘regardless of destination’ were grounded because of a ‘communication issues.”
Gayunman, sinabi ng American Airlines kalaunan, “We have been able to safely re-establish our operation. We apologise to our customers for the inconvenience.”
Ang mga pangunahing paliparan kabilang ang sa Berlin, na naunang nagsabi na ang lahat ng mga flight ay nasuspinde, ay nagsabing unti-unti nang nagpapatuloy ang flight pagkatapos ng “teknikal na isyu”.
Sa report naman ng airport operator na Aena, “All airports in Spain were experiencing “disruptions” from an IT outage.”
Nagsabi rin ang Hong Kong airport na ilang flights nila ang naapektuhan, kaya naglabas ng pahayag ang mga awtoridad at sinabing ang disruption ay may kaugnayan sa isang Microsoft outage.
Sa kabilang dako ay nagbabala ang pinakamalaking rail operator ng UK ng posibilidad ng kanselasyon ng mga biyahe ng tren dahil sa IT issues.
Sa isang pahayag ay sinabi ng National Cyber Security Coordinator ng Australia,“The large-scale technical outage was caused by an issue with a third-party software platform.”
Pagtiyak naman ng cybersecurity agency ng France na ANSSI, “We are fully mobilised to identify and support those affected. There is no evidence to suggest that this outage is the result of a cyberattack.”