Mga apektadong Maynilad customers, tatanggap ng P323 rebate–MWSS RO
Kabuuang P323 na across the board rebate ang matatanggap ng mga customers ng Maynilad na naapektuhan ng ilang buwan na water service interruption.
Ito ang inanunsiyo ng MWSS Regulatory Office sa isinagawa nitong public information drive sa
rebate program sa mga apektadong customers.
Na-compute ang nasabing halaga base sa financial penalty na ipinataw sa Maynilad at ang bilang ng mga affected consumers.
Ayon sa MWSS RO, mahigit P63.97 milyon ang halaga ng ipinataw na parusa nito sa water company dahil sa problema sa suplay ng tubig.
Batay pa sa datos ng Maynilad at MWSS, kabuuang 198, 315 customers ang naapektuhan ng water service interruption mula Disyembre 2021 hanggang Pebrero 2022.
Partikular sa naapektuhan ang mga customers sa apat na lungsod sa Metro Manila at limang munisipalidad at lungsod sa Cavite na nasa loob ng supply zone ng Putatan Water Treatment Plant.
Ipatutupad ang financial penalty sa Maynilad sa pamamagitan ng bill rebates sa apektadong consumers.
Sa Abril sisimulan na ibawas ng Maynilad sa singil nito sa tubig ang P323 rebate hanggang sa ito ay makonsumo ng mga customers.
Tiniyak naman ng MWSS RO na tuluy-tuloy ang monitoring nito sa iba pang mga reklamo at paglabag ng water firm gaya sa isyu sa mababang kalidad ng tubig nito.
Moira Encina