Mga atletang lumahok sa 31st SEA Games, pinuri at binigyan ng insentibo ni Pangulong Duterte dahil sa pagbibigay ng karangalan sa bansa
Pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga atletang Filipino na lumahok sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam, para sa pagbibigay ng parangal sa bansa.
Matatandaan na ang Pilipinas ay nakakuha ng 52 ginto, 70 pilak at 104 na tansong medalya mula sa 37 sa 39 na palakasang nilahukan ng Pinoy athletes.
Sa panahon ng programa, 178 medalists ang binigyan ng Order of Lapu-Lapu ni Pangulong Duterte.
Ayon sa pangulo . . . “You did a good job and I am very happy with the results. It is not really in the winning but going there just to give the country an image. Though maligaya ako na maraming medalya ang nakuha natin.”
Pinasalamatan din ng pangulo ang mga atleta para sa “pagkatawan sa bansa na may katatagan, kahusayan, at sportsmanship, at para sa pagbibigay ng puri at karangalan sa sambayanang Pilipino sa gitna ng mga hamon na kailangang harapin sa mga panahong ito.”
Saludo rin siya sa mga atleta na hindi lamang ipinakita ang kanilang mga talento, kundi pati na rin sa pagbibigay ng kanilang makakaya sa kabila ng mga limitasyon sa kanilang pagsasanay dahil sa Covid-19 pandemic.
Hinihikayat din niya ang mga kabataang Filipino na pumasok sa palakasan at iba pang produktibong mga aktibidad.
Sinabi ni Duterte na ito ay magtuturo sa mga kabataan ng natatanging mga pagpapahalagang Filipino gayundin, “mapanindigan ang pagkakakilanlan sa bansa na makabilang sa ‘pinaka competitive’ athletes sa pandaigdigang komunidad.”
Sinabi ng 77-anyos na pangulo ng Pilipinas, na umaasa siyang patuloy na mabibigyan ng suporta ang mga atletang Filipino kahit pa magwakas na ang kaniyang termino na magtatapos sa Hunyo 30, 2022.
Kinilala rin niya ang Philippine Sports Commission at lahat ng mga coach na sumuporta sa mga atleta at nagsanay sa mga ito para ma-kondisyon sa 31st SEA Games.
Ayon sa pangulo . . . “While the government remains steadfast in providing firm support to the Filipino athletes, I urge the Philippine Sports Commission and other sports bodies to continue extending their full assistance to keep the Filipino athletes motivated in aiming for more victories in the future.’
Aniya . . . “It is my hope that, even beyond my term, our athletes will continue to uphold the competence, discipline, and commitment that we Filipinos are known all over the world.’
Ang 31st SEA Games ang pinakamahusay na SEA Games gold medal haul para sa Pilipinas sa mga larong hinost sa labas ng bansa.
Ang Filipino gymnast na si Carlos Yulo ay nanalo ng limang ginto, at naging Filipinong atleta na may pinakamaraming bilang ng mga ginto sa 31st SEA Games.
Ayon sa palasyo, halos P35 milyong insentibo ang ipinagkaloob sa mga medalist, na ang kabuuang cash incentives ay umaabot sa halos P52 milyon, kabilang ang ipinagkaloob sa mga coach.
Sa panahon ng recognition ceremony sa Malacanang, ang mga atletang sina Rubilen Amit, Nathaniel Perez, at Janelle Mae Frayna ang kumatawan sa mga medalist para sa simbolikong pagpaparangal.
Si Amit ay nagwagi ng dalawang gintong medalya sa billiards (9 and 10 balls women); si Perez, pilak na medalya sa fencing (Foil Individual Men); at Frayna, tansong medalya para sa chess (Women’s individual Blitz).
Bukod kina Yulo at Amit, ang iba pang mga atleta na nag-uwi ng gintong medalya para sa bansa ay kinabibilangan ng Olympic gold medalist weightlifter na si Hidilyn Diaz, billiards athletes na si Carlo Biado at Johann Chua, pole vaulter na si EJ Obiena, weightlifter na si Vanessa Sarno, mga boksingerong Pinoy na sina Ian Clark Bautista, Rogen Ladon, at Olympic medalist Eumir Marcial, Muay Thai athlete na si Philip Delarmino, wushu atheletes na sina Agatha Wong at Arnel Mandal, gymnast Aleah Finnegan, duathlon at triathlon athlete Kim Mangrobang, dance pairs Stephanie Sabalo at Michael Angelo Marquez, Ana Nualla at Sean Aranar, at Mary Joy Renigen at Mark Jayson Gayon; swimmer na si Chloe Isleta, taekwondo athlete Jocel Ninobla, Clinton Kingsley Bautista ng athletics, bowler Merwin Tan, men’s shot put athlete William Morrison, at runner na si Kayla Anise Richardson.
Ang iba pang gold medalists ay ang triathlon athete na si Fernando Casares, jujitsu’s Margarita Ochoa at Annie Ramirez, fencer Samantha Kyle Catantan, kickboxers na sina Jean Claude Saclag at Gina Iniong-Araos, kurash athlete Jack Escarpe, Pencak silat athlete Francine Padios, Muay Thai athletes Richein Yosores Islay, Erika Bomogao, men’s tennis double team Treat Huey at Ruben Gonzales, judo’s Shugen Nakano at Rene Furukawa, hurdles’ Eric Cray; at ang women’s gymnastic team, women’s basketball team, women’s archery team, men’s bowling team, at e-sports team.