Mga bagay na iniahon ng French deep-sea explorer mula sa Titanic wreck, tampok sa Titanic Exhibition sa Paris
Isang malaking exhibition na dedicated sa Titanic ang nagbukas sa Paris noong nakalipas na July 18, kung saan marami sa mga bagay na nakadisplay ay iniahon mula sa Titanic wreck ng isang French deep-sea explorer, na kasama sa mga namatay sa pagsabog ng isang submersible noong Hunyo.
Si Henri-Paul Nargeolet, na binansagang “Mr Titanic,” ay isa sa lima kataong lulan ng Titan tourist submersible nang mawalan ito ng kontak noong kalagitnaan ng Hunyo matapos sumisid sa ilalim ng dagat upang bisitahin ang Titanic sa lugar kung saan ito lumubog.
French deep-sea explorer Henri-Paul Nargeolet, known as “Mr. Titanic,” was one of the five people who died in the sun implosion (Photo by Joël SAGET / AFP)
Ang isang pagtatangka na maglunsad ng rescue operation sa North Atlantic, ay panandaliang umakit sa mundo bago nakatagpo ng mga ebidensiya na ang submersible ay dumanas ng panloob na pagsabog o “implosion” sa ilalim ng tubig na ikinamatay ng lahat ng sakay nito.
Ayon sa producer ng event na si Pascal Bernardin, malaking bahagi ng Titanic exhibition na binuksan sa French capital ay resulta ng trabaho, katalinuhan at passion ni Henri-Paul Nargeolet.
Isa ang 77-anyos na si Nargeolet, sa mga inaasahang dadalo sana sa pagbubukas ng exhibition.
Malaki ang naitulong ng explorer sa pag-aahon ng karamihan sa 260 objects na naka-display sa exhibition, na kinabibilangan ng navigation instruments at mga hook mula sa Titanic maging ng mga relo at mga alahas ng mga naging pasahero ng barko.
The grand staircase of what was then the world’s largest cruise ship, recreated for the exhibition in Paris (Photo by Geoffroy VAN DER HASSELT / AFP)
Ang exhibition, na tatakbo mula Hulyo 18 hanggang Setyembre 10, ay nagsisimula sa higit sa apat na metrong haba na modelo ng mythic ship.
Ang mga bisita ay dadalhin sa isang paglalakbay mula noong gabing umalis ang Titanic sa England patungo sa New York noong Abril 1912, hanggang sa paglubog ng noo’y pinakamalaking cruise ship sa mundo matapos pumutok ang ang katawan ng barko nang tamaan ng isang malaking iceberg.
Tampok sa exhibition ang recreations ng mga cabin ng barko, ang grand staircase nito at maging ang “oppressive atmosphere” ng engine room nito.
Ang wreck ng Titanic ay natagpuan ng magkasanib na French–American expedition, halos apat na kilometro (2.5 milya) sa ilalim ng tubig sa baybayin ng Newfoundland noong 1985.
Si Nargeolet ay lumahok at nanguna sa anim sa walong exploration mission sa Titanic wreck sa pagitan ng 1987 at 2010, kung saan mahigit sa limang libong objects mula sa barko ang kanilang naiahon.
A visitor at some of the crockery brought up from the wreck of the Titanic (Photo by Geoffroy VAN DER HASSELT / AFP)
Ang mga sasakyang-dagat na ginamit para sa mga nabanggit na misyon ay ibang-iba sa Titan submersible. Ang mga dating nagpahayag ng mga alalahanin tungkol sa kaligtasan ng sub ay nabulgar pagkatapos ng pagsabog nito.
Ang US-based operator ng Titan na OceanGate, na ang CEO na si Stockton Rush na lulan ng Titan ay kabilang sa mga namatay, ay nagdeklara ng “indefinite suspension” sa lahat ng mga aktibidad nito.
Naningil ito ng $250,000 para sa isang upuan sa loob ng submersible, na halos kasing laki ng isang SUV na kotse.
Ang mga awtoridad ng US Coast Guard at Canada ay naglunsad ng imbestigasyon sa sanhi ng trahedya.