Mga bagong talagang mahistrado ni PBBM sa Court of Appeals at Court of Tax Appeals, nanumpa na sa puwesto
Nagtalaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga bagong mahistrado sa Court of Appeals (CA) at Court of Tax Appeals (CTA).
Sa appointment papers na natanggap ng Korte Suprema mula sa Malacañang, hinirang na associate justices ng CA sina Selma Palacio Alaras at Wilhelmina Jorge- Wagan.
Pinalitan ni Alaras si retired CA Justice Gabriel Ingles habang si Jorge- Wagan ay pinunan ang binakanteng puwesto ni retired CA Justice Edgardo Camello.
Nagsilbi si Alaras na Presiding Judge ng Makati City Regional Trial Court Branch 62 habang si Jorge- Wagan ay Pasig City RTC Branch 111 bago mapunta sa CA.
Itinalaga naman ni Pangulong Marcos si Corazon Ferrer- Flores bilang mahistrado ng Court of Tax Appeals kapalit ng nagretirong si Juanito Castañeda.
Si Ferrer- Flores ay dating Deputy Clerk of Court ng Korte Suprema bago ma-appoint sa CTA.
Batay sa mga dokumento ay noong October 11, 2022 pa naitalaga sa puwesto ang tatlo.
Kasunod nito, nanumpa na sa posisyon ang mga bagong justice.
Si Chief Justice Alexander Gesmundo ang mismong nagpanumpa sa tatlo na isinagawa sa SC Session Hall.
Agad namang kinumpirma ni Undersecretary Cheloy Garafil, Officer-in-Charge ng Office of the Press Secretary ang appointment ng tatlong justice.
Moira Encina