Mga bakunadong PDLs sa BuCor jail facilities, halos 92% na
Halos 92% na ang mga persons deprived of liberty (PDLs) ang nabakunahan laban sa COVID-19.
Sa pinakahuling datos mula sa Bureau of Corrections, umaabot na sa 44,589 na PDLs mula sa mahigit 48,000 prison population ang fully at partially vaccinated.
Sa New Bilibid Prison, lagpas na sa 96% ang naturukan ng una at pangalawang dose ng COVID vaccines.
Katumbas ito ng mahigit 27,000 inmates mula sa nasa 28,000 Bilibid population.
Nasa 98% naman sa 3,352 inmates o 3,300 ang bakunado sa Correctional Institution for Women.
Karamihan din sa mga PDLs sa CIW o 3,294 ay fully vaccinated at anim na lamang ang partially vaccinated.
Mataas din ang vaccination rate sa iba pang prison at penal farms na nasa pangangasiwa ng Bucor.
Ang mga ito ay ang Sablayan Prison and Penal Farm (96.89%), San Ramon Prison and Penal Farm (74.48%), Iwahig Prison and Penal Farm (62.48%), Leyte Regional Prison (90.39%), at Davao Prison and Penal Farm (85.75%).
Una nang pinagkalooban ng national government ang mga prison facilities ng COVID vaccines bilang bahagi ng Bayanihan, Bakunahan.
Moira Encina