Mga bangko sa China, nangangakong babayaran ang mas marami pang customers pagkatapos ng mga protesta
Nangako ang Chinese regulators na babayaran ang mas marami pang naging biktima ng isa sa pinakamalaking banking scandals sa bansa, matapos na daang libong customers ang hindi maka-access sa kanilang mga pondo sa bangko, na naging sanhi ng hindi pangkaraniwang mass protests.
Matinding naapektuhan ang rural banking sector ng China ng pagsisikap ng Beijing na mapigilan ang isang property bubble at paikot-ikot lang na mga utang, sa isang financial crackdown na yumanig sa ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo.
Apat na bangko sa lalawigan ng Henan ang nag-freeze ng mga pondo noong kalagitnaan ng Abril habang sinisiyasat ng mga regulator ang di-umano’y maling pamamahala, sanhi upang hindi makapag-withdraw ang mga tao na nag-udyok naman ng hiwa-hiwalay na mga demonstrasyon.
Kalaunan ay sinabi ng mga awtoridad na ang mga nabanggit na kompanya at isa pang rural bank sa kalapit na Anhui province, ay sangkot sa isang pakana upang dayain ang mga namumuhunan – at nangako sa mga biktima na makukuha na nila ang kanilang pera.
Banggit ang isang tatlong buwang paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng isang hindi pinangalanang kinatawan ng China Banking and Regulatory Commission . . . “Henan New Fortune Group manipulated five village banks in Henan and Anhui to illegally absorb and occupy public funds … and covered up illegal activities. The next stage will be to begin advance payment work for customers with over 50,000 yuan (deposited).”
Sinabi ng mga analyst, na ang Henan banking scandal ay nagdulot ng hindi pa nangyayaring dagok sa kumpiyansa ng publiko sa sistema ng pananalapi ng China dahil sa laki at sukat ng pandaraya, kung saan ang mga bangkong sangkot ay higit isang dekada na umanong ilegal na nago-operate.
Isang malawakang demonstrasyon noong Hulyo 10 sa kabisera ng probinsiya ng Henan na Zhengzhou ang marahas na pinatigil, kung saan ang mga demonstrador ay pinilit ng mga pulis na sumakay sa mga bus at binugbog, ayon sa mga account ng nakasaksi at mga na-verify na larawan sa social media.
Di-nagtagal, sinabi ng provincial banking regulator ng Henan na ang mga customer na may mga deposito na mas mababa sa 50,000 yuan ($7,500) ay babayaran simula Biyernes.
Ngunit sa isang grupo ng WeChat na kinabibilangan ng daan-daang depositor, kakaunti lamang ang naiulat na nakatanggap ng kanilang mga pondo.
Ayon sa local media, iilang customers ang nag-ulat na nakatanggap ng kanilang mga deposito noong Biyernes, habang ang iba ay nagreklamo na ang itinalagang mobile app ay may mga bug at hindi sila pinapayagang magparehistro.
Ang mga pondong ibinayad ay nagmula sa ilan sa mga nasamsam na asset ng Henan New Fortune Group, ang kumpanyang inakusahan ng pulisya ng pagmamanipula sa mga bangko.
Sinabi ng mga regulator, na ang mga depositor ay babayaran ng batch-by-batch, ngunit hindi nag-anunsyo ng isang tiyak na timeframe para sa pagbabayad ng mga account na may higit sa 50,000 yuan ang pondo.
© Agence France-Presse