Mga barkong pandigma ng Iran, maaaring payagan ng Panama na dumaan sa canal
Inihayag ng mga awtoridad ng Panama, na papayagang dumaan sa Panama Canal ang Iranian naval ships kung susunod sila sa international norms, kasunod ng mga balita na ang Teheran ay nagpapadala ng mga sasakyang-pandagat sa naturang strategic waterway.
Ang presensya ng Iranian military sa Canal ay magpapagalit sa Estados Unidos, na siyang nagtayo sa channel na nag-uugnay sa mga karagatan ng Atlantiko at Pasipiko sa simula ng ika-20 siglo, at nagbabala ang Washington na mahigpit nitong sinusubaybayan ang aktibidad ng Teheran sa Western Hemisphere.
Banggit ang 1977 international treaty, na naglipat sa Panama ng kontrol sa canal at nagtatag ng neutral status nito, sinabi ng Panama Canal Authority na ang kanilang waterway ay kailangang “manatiling ligtas at bukas para sa payapang pagbiyahe,” sa kondisyon na ang mga barko ay susunod sa mga pandaigdigang pamantayan sa kaligtasan, magbabayad ng mga toll at hindi gagawa ng anumang masamang gawain.
Sinabi pa ng ahensiya sa isang pahayag, “Based on the aforementioned regulations, the Panama Canal Authority has the obligation to allow the passage of any vessel that meets all these requirements.”
Ang mga lokal na mamamahayag ay nag-uulat tungkol sa nalalapit na pagdating ng Iranian Navy ships.
Noong Enero 13, nasulat sa pahayagang La Estrella de Panama, na plano ng Teheran na i-posisyon ang kanilang warships sa Panama Canal dahil nais nitong palakasin ang kanilang presensiya sa Latin America.
Gumatong pa sa apoy ang dating gobernador ng Florida na si Jeb Bush, na kapatid at anak ng dalawang dating naging pangulo ng America, nang akusahan nito ang Panama sa isang column sa Washington Post noong Enero 16, nang pagtulong sa Iran para matakasan ang Western oil sanctions.
Sa column ay sinabi ni Bush, “Without Panama’s support, the Iranian regime would face significant hurdles in smuggling its oil and gas around the world.”
Noong isang linggo, sinabi ni US State Department spokesman Vedant Patel, na mahigpit na binabantayan ng Washington ang naval activities ng Teheran sa Western Hemisphere.
Sinabi ni Patel sa mga mamamahayag, “We continue to have a number of tools in our tool belt available to hold the Iranian regime accountable.”
Nakumpleto ng Estados Unidos ang canal noong 1914 at binuksan ang mga base militar upang protektahan ito.
Ang 1977 treaty ang nagbigay-daan para mailipat sa Panama ang kontrol sa canal noong December 31, 1999.
Mahigit 14,000 mga sasakyang pandagat ang dumaan sa 80 kilometro (50 milya) na daluyan ng tubig noong 2022, ayon sa Panama Canal Authority. Ang kanal ay kumakatawan sa limang porsyento ng kalakalang pandagat sa daigdig.
© Agence France-Presse