Mga bata, hindi kasama sa US travel vaccine requirements
Sinabi ng isang senior US offiicial, na hindi kasama ang mga bata sa Covid vaccine requirements na magkakabisa sa susunod na buwan para sa mga nagnanais pumasok sa Estados Unidos lulan ng eroplano.
Ayon sa nabanggit na senior official na ayaw magpabanggit ng pangalan . . . “For children under 18 there is a uniform exemption from that vaccination requirement.”
Aniya . . . “The under 18 exemption reflected the fact that in many countries coronavirus vaccines have not been authorized or made available for minors.”
Una nang inanunsiyo ng Biden Administration, na bubuksan na nila sa November 8 ang kanilang land at air borders para sa foreign visitors na fully vaccinated na.
Matatandaan na 18 buwan ding umiral ang travel suspension para sa mga bisitang gustong magtungo sa US galing sa ibang bansa, kabilang ang Canada at western Europe.
Samantala, hindi rin aplikable ang vaccination requirement sa US citizens at immigrants.
Exempted din ang travelers mula sa mga bansang mas mababa ng 10 percent ang vaccination rate, dahil sa kakapusan ng suplay gaya ng karamihan sa mga bansa sa Africa.
Gayunman, lahat ng biyahero anuman ang kanilang pagkamamamayan o vaccination status, ay kailangang magpakita ng negative coronavirus test.
Para sa vaccinated passengers, maaari silang sumailalim sa test sa loob ng tatlong araw bago ang biyahe, para naman sa mga hindi pa bakunado dapat silang ma-test isang araw bago ang biyahe.
Ang mga bakuna lamang na aprubado ng US regulator, ng US Food and Drug Administration, at World Health Organization ng UN ang maaaring mag-qualify. Bagama’t kabilang din dito ang Sinovac at Sinopharm vaccine ng China, ang mga binakunahan ng Sputnik V ng Russia ay hindi pa rin papayagang pumasok sa Estados Unidos. (AFP)