Mga bata sa Cuba sinimulan nang bakunahan, para makapagbukas na ang klase
Inilunsad ng mga awtoridad sa Cuba, ang isang national campaign para bakunahan laban sa COVID-19 ang mga batang edad dalawa hanggang disiotso. Ito ay upang makapagbukas nang muli ang mga paaralan.
Ang mga batang edad 12 pataas ang unang bibigyan ng isa sa dalawang bakunang gawa sa Cuba, ang Abdala at Soberana na susundan naman na mga mas bata pa.
Simula March 2020, karamihan sa mga eskuwelahan ay sarado, kayat ang mga bata ay nag-aaral sa pamamagitan ng telebisyon.
Sa Lunes ay simula na nang pasukan, ngunit hindi papayagang babalik sa paaralan ang mga bata hanggat hindi nababakunahan ang lahat ng mga mag-aaral.
Kahapon ay inanunsiyo ng Medical Regulatory Agency (Cecmed), na inawtorisahan na nito ang emergency use ng Soberana 2 vaccine para sa mga edad 2-18.
Ayon sa gobyerno, plano nito na unti-untiin ang pagbubukas ng mga paaralan sa Oktubre, para sa in-person instruction kapag natapos na ang pagbabakuna sa mga bata.
Ang komposisyon ng Cuban vaccines, na hindi kinikilala ng World Health Organization ay base sa isang recombinant protein, kapareho ng technique na ginamit ng US company na Novavax.