Mga batang babaeng estudyante na nakasuot ng Muslim dress, hindi tinanggap ng French schools
Sa unang araw ng school year, ay pinauwi ng mga French school ang dose-dosenang mga batang babae dahil sa pagtanggi ng mga ito na tanggalin ang kanilang mga abaya — isang over-garment na mula balikat hanggang paa na isinusuot ng mga babaeng Muslim.
Sinabi ng government minister na si Gabriel Attal, na bilang pagsuway sa pagbabawal sa pagsusuot ng Muslim dress, halos 300 batang babae ang pumasok nitong Lunes ng umaga na nakasuot ng abaya.
Aniya, karamihan ay pumayag na magpalit ng damit, ngunit 67 ang tumanggi at sila ay pinauwi.
Inihayag ng gobyerno noong nakaraang buwan na ipagbabawal nito ang abaya sa mga paaralan, na sinasabing labag ito sa mga patakaran sa sekularismo sa edukasyon, na nagbawal na rin sa paggamit ng Muslim headcarves dahil nagpapakita ito ng kaugnayan sa relihiyon.
Ang hakbang ay ikinagalak ng mga maka-kanan sa pulitika ngunit argumento ng maka-kaliwa, kumakatawan ang hakbang sa pagpigil sa kalayaang sibil.
Sinabi ni Attal, na ang mga batang babae na pinauwi ay binigyan ng liham na naka-address sa kanilang pamilya na nagsasaad na, “secularism is not a constraint, it is a liberty.”
Dagdag pa niya, kung papasok ang mga ito na nakadamit Muslim pa rin ay magkakaroon ng “panibagong pag-uusap.”
Nitong Lunes ay ipinagtanggol ni President Emmanuel Macron ang kontrobersiyal na hakbang sa pagsasabing, “There was a ‘minority’ in France who ‘hijack a religion and challenge the republic and secularism,’ leading to the ‘worst consequences’ such as the murder three years ago of teacher Samuel Paty for showing Mohamed caricatures during a civics education class.”
Aniya, “We cannot act as if the terrorist attack, the murder of Samuel Paty, had not happened.”
Naghain naman ng mosyon sa Konseho ng Estado, ang pinakamataas na hukuman ng France, ang isang asosasyon na kumakatawan sa mga Muslim para sa isang kautusan laban sa “ban” sa paggamit ng abaya at qamis na katumbas nito sa kasuotang panlalaki.
Ang mosyon ng Action for the Rights of Muslims (ADM), ay susuriin din ngayong Martes.
Ang isang batas na ipinakilala noong Marso 2004 ay nagbabawal sa “pagsusuot ng mga senyales o kasuotan kung saan ang mga mag-aaral ay makapagpapakita ng religious affiliation” sa mga paaralan.
Kabilang dito ang malalaking krus, Jewish kippas at Islamic headscarves.