Mga batang ilang linggo nang nawawala sa Colombian Amazon, inaasahang makikita pa
Sinabi ng militar, na ang apat na batang katutubo na nawala sa Colombian Amazon mula nang bumagsak ang isang eroplano halos isang buwan na ang nakalipas, ay pinaniniwalaang buhay pa habang nagpapatuloy ang paghahanap.
Ang mga bata na nasa edad 13, 9, 4 at 11 buwan nang sila ay mawala, ay maaaring gumala sa gubat mula nang bumagsak ang isang magaan na sasakyang panghimpapawid sa timog-silangan ng Colombia noong Mayo 1, na ikinasawi ng tatlong nasa hustong gulang na pasahero, ito ang kanilang ina na si Magdalena Mucutui Valencia, ang piloto, at isang lider na katutubo.
Lumitaw sa mga satellite image ang landas na tinahak ng mga bata mula sa plane wreck, at natagpuan ng mga rescuer ang ilan sa kanilang mga ari-arian, isang pansamantalang silungan at isang prutas na kalahati pa lamang ang nakakain. Noong nakaraang linggo, nakakita sila ng isang pares ng sapatos at diaper.
Sinabi ng rescue team leader na si General Pedro Sanchez, “Based on the evidence, we concluded that the children are alive. If they were dead, it would be easy to find them because they would be still and the sniffer dogs would find them.”
Noong umaga ng Mayo uno, isang Cessna 206 airplane ang umalis isang jungle area na kilala bilang Araracuara upang tumungo sa bayan ng San Jose del Guaviare sa Colombian Amazon.
Matatandaan na ilang minuto pagkatapos magsimula ang kanilang 350-kilometrong (217-milyang) paglalakbay, nag-report ang piloto ng problema sa makina pagkatapos ay nawala na ito sa mga radar.
Sa pagitan ng May 15 at 16, natagpuan ng mga sundalo ang bangkay ng tatlong nasa hustong gulang na mga biktima at ang debris ng eroplano, na wasak ang nguso.
Ngunit ang mga bata, ang 13-anyos na si Lesley, 9-anyos na si Soleiny, 4-anyos na si Tien Noriel at ang sanggol na si Cristin ay nawawala.
Mga 200 sundalo at mga Katutubo na may kaalaman sa lupain doon, ang naghanap sa masukal na gubat na ang sukat ay nasa 320 square kilometers (124 square miles) — humigit-kumulang doble sa laki ng Washington, DC.
Ang hukbong panghimpapawid ay naghulog naman ng 10,000 flyer sa kagubatan na may instructions na nakasulat sa Spanish at sa katutubong wika ng mga bata na Huitoto, na nagsasabing manatili lamang sila sa isang lugar.
May survival tips na kasama sa leaflets, at naghulog din ang militar ng food parcels at bottled water para sa mga bata.
Sinabi ng search team member na si Colonel Fausto Avellaneda, “On Sunday, the army placed powerful searchlights with a range of up to three kilometers in the area so that the minors can approach us.”
Nag-broadcast din ang rescuers ng isang mensahe na ini-record ng kanilang lola, na humihimok sa kanila na manatili sa kanilang kinaroroonan upang makita sila ng mga sundalo.
Sinabi ng heneral na naniniwala ang search team na nakarating na sila sa 100 metro o 328 talampakan ang layo mula sa mga bata, ngunit ang mga bagyo, makapal na mga halaman at maputik na lugar ang pumigil sa kanila para marating mismo ang kinaroroonan ng mga ito.
Ginagamit na rin ang mga air force helicopter at satellite image sa paghahanap sa lugar, na tahanan ng mga jaguar, puma, mga ahas, at iba pang predators, pati na rin ng mga armadong grupo na nagpupuslit ng droga at nananakot sa mga lokal na populasyon.
Ang mga bata ay mula sa Katutubong komunidad ng Huitoto, na binabaybay din na Witoto. Ang mga batang Huitoto ay tinuturuang manghuli ng isda at mangaso.
Noong Mayo 17, sinabi ni Colombian President Gustavo Petro na natagpuang buhay ang mga bata, ngunit binawi ang anunsyo ng sumunod na araw, at humingi ng paumanhin para sa maling impormasyon.