Mga dayuhan napatay, nawawala o binihag sa pag-atake ng Hamas
Dose-dosenang mga dayuhan ang namatay, nasaktan o binihag sa sorpresang pag-atake sa Israel ng Palestinian militant group na Hamas na nag-iwan ng 900 kataong patay.
Marami sa mga nawawalang dayuhan ay dumadalo sa isang electronic music festival sa southern Israeli desert, kung saan maraming mga manonood ang minasaker.
Narito ang alam natin sa ngayon:
– Thailand: 18 patay, 11 bihag –
Labingwalong Thais ang napatay, siyam ang nasugatan at labing-isa ang binihag, ayon sa foreign affairs officials.
Sinabi ni deputy minister of foreign affairs Jakkapong Sangmanee, na nasa 5,000 Thai nationals ang inilikas mula sa high-risk areas, at “higit 3,000 katao naman ang humihiling na makabalik na sa Thailand.”
– US: 11 patay, ang iba ay nawawala –
Nitong Lunes ay kinumpirma ng Estados Unidos na hindi bababa sa 11 US citizens ang nasawi at “malamang” na may mga Amerikanong kabilang sa binihag ng Hamas.
Ayon kay US President Joe Biden, “Sadly, we now know that at least 11 American citizens were among those killed — many of whom made a second home in Israel.”
– Nepal: 10 patay –
Sampung mamamayan ng Nepal ang napatay sa Kibbutz Alumim, na isa sa flashpoints ng Hamas assault, ayon sa Himalayan republic embassy sa Tel Aviv.
Apat na iba pa ang ginagamot sa ospital habang nagpapatuloy naman ang paghahanap sa ika-limang indibidwal.
May 17 estudyante sa Kibbutz Alumim nang mangyari ang pag-atake.
– Argentina: 7 patay, 15 nawawala –
Kinumpirma ng foreign ministry ng Argentina na pitong Argentinian nationals ang nasawi at 15 iba pa ang nawawala.
– Ukraine: 2 patay –
Dalawang babaeng Ukrainian na ilang taon nang naninirahan sa Israel ang namatay, ayon sa tagapagsalita ng foreign ministry ng Ukraine na si Oleg Nikolenko.
– France: 2 patay, 14 nawawala –
Sinabi ng French government na dalawang mamamayan nila ang nasawi sa pag-atake ng Hamas sa Israel.
Ayon naman sa French foreign ministry, isang doce anyos ang kabilang sa 14 nilang mamamayan na nawawala matapos maglunsad ng pag-atake ang Hamas sa Israel, kung saan tinawag nito ang sitwasyon na “nakababahala.”
Sa pahayag ng ministry ay nakasaad, “Based on the information we have, we consider it highly likely that some of them have been abducted, this number is still subject to change.”
– Russia: 1 patay, 4 nawawala –
Inanunsiyo ng Russian embassy sa Tel Aviv, na isang Russian ang nasawi at apat na iba pa ang nawawala.
– UK: 1 patay, 1 nawawala –
Sinabi ng Israel ambassador sa Britain na isang 26-anyos na British citizen ang nawawala, ngunit hindi ito nagbigay ng pangalan.
Isa pang British na nagsisilbi naman sa Israeli army, na nagngangalang Nathanel Young, 20-anyos, ang namatay habang nakikipaglaban sa Hamas, ayon sa kaniyang pamilya.
– Canada: 1 patay, 3 nawawala –
Inihayag ng Canadian government na isang Canadian ang namatay at tatlo ang nawawala.
– Cambodia: 1 patay –
Sinabi ni Cambodian Prime Minister Hun Manet, na isang Cambodian student ang namatay sa pag-atake ng Hamas.
– Germany: ilan ay binihag –
Ilang dual German-Israeli nationals ang binihag ng mga militante, ayon sa isang source ng German foreign ministry.
Ayon sa ina ng 22-anyos na si Shani Louk, nakilala niya ang kaniyang anak sa mga video na lumabas online, kung saan half-naked ito habang nakadapa sa likod ng isang pick-up truck sa Gaza at napaliligiran ng armadong mga lalaki na nakaupo.
Sinabi ni Ricarda Louk na ang kaniyang anak ay dumadalo sa music festival.
– Philippines: 5 nawawala –
Sinabi ng Philippines ambassador to Israel, na limang Pilipino ang hindi pa nakikita, na ang isa rito ay posibleng kasama sa binihag.
– Austria: 3 nawawala –
Inanunsiyo ng foreign ministry ng Austria, na tatlong dual Austrian-Israeli nationals na namamalagi sa katimugang Israel, ngunit hindi magkakasama, ay maaaring kasama sa mga binihag ng Hamas.
Gayunman sinabi nito na wala pang opisyal na kumpirmasyon dahil sa nakalilitong sitwasyon ngayon sa Israel.
– Brazil: 3 nawawala –
Tatlong dual Brazilian-Israeli nationals na dumadalo sa music festival ang nawawala, ayon sa foreign ministry ng Brazil.
– Chile: 2 nawawala –
Kinumpirma ng Chilean foreign ministry nitong Lunes, na dalawa nilang mamamayan ang nawawala. Ang couple ay nakatira sa isang kibbutz hindi kalayuan sa border ng Israel sa Gaza.
– Italy: 2 nawawala –
Dalawang Israeli-Italan ang nawawala ayon kay Italian Foreign Minister Antonio Tajani.
Aniya, “They have not been located and are not answering calls.”
– Paraguay: 2 nawawala –
Dalawang Paraguayan nationals na naninirahan sa Israel ang nawala, ayon sa report ng Paraguay government, ngunit walang ibinigay na detalye.
– Peru: 2 nawawala –
Iniulat ng Peruvian foreign ministry na dalawang mamamayan nila ang nawawala, ngunit hindi na nagbigay ng dagdag na mga detalye.
– Sri Lanka: 2 nawawala –
Sinabi ng Sri Lankan ambassador to Israel na dalawang mamamayan nila, isang 48-anyos na lalaki at isang 49-anyos na babae ang nawawala.
– Tanzania: 2 nawawala –
Ayon sa Tanzanian ambassador to Israel, dalawang Tanzanian nationals ang nawawala.
– Mexico: 2 binihag –
Sa kaniyang post sa X, dating Twitter ay sinabi ni Mexican Foreign Minister Alicia Barcena, na dalawang Meksikano, isang lalaki at isang babae, ang binihag, pero hindi na nagbigay ng mga detalye. .
– Colombia: 2 binihag –
Dalawang Colombians na dumadalo sa Supernova music festival ang nawala, ayon sa social media post ng Israeli ambassador to Colombia.
Kinumpirma ng Colombian government na ang dalawang Colombians ay nasa nabanggit ngang festival at sinusubukan na nilang matunton ang mga ito.
– Panama: 1 nawawala –
Sinabi ng gobyerno ng Panama, na isa sa kanilang mamamayan na nakilalang si Daryelis Denises Saez Batista, ang nawawala.
– Ireland: 1 nawawala –
Isang Irish-Israeli woman ang kinumpirma ng Irish government na nawawala.