Mga diplomat hindi dapat manghimasok sa internal affairs ng mga Estado – DFA
Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa pagkahulog sa mga pekeng naratibo.
Sa harap ito ng sinabi ng Chinese Embassy na may audio recording ng pag-uusap sa telepono ukol sa sinasabing bagong model ng arrangement sa Ayungin Shoal sa pagitan ng Chinese diplomat at ng opisyal ng AFP Western Command.
Ayon sa DFA, ang paggamit sa mga taktika tulad nang paglalabas ng “unverifiable recordings” ng sinasabing pag-uusap ay nagpapakita ng mga hakbangin para magpakalat ng hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at sa mga mamamayang Pilipino.
Kasabay nito, binigyang-diin ng DFA na dapat na mahigpit na sundin ng mga diplomat sa isang estado ang 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations (VCDR).
Binanggit ng DFA ang Article 41 ng VCDR na tungkulin ng lahat ng diplomats na igalang ang mga batas at mga regulasyon ng receiving state.
Ipinunto pa ng DFA na obligasyon din ng mga diplomat na huwag manghimasok sa internal affairs ng isang bansa.
Wala pang pahayag ang DFA kung papatalsikin nito ang Chinese diplomat na sinasabing sangkot sa wiretapping at hindi pagsunod sa Vienna Convention.
Moira Encina