Mga doktor na sumuri kay PMA Cadet 4th class Darwin Dormitorio, inireklamo sa PRC para matanggalan ng lisensya
Dumulog na sa Professional Regulations Commission (PRC) ang pamilya ng nasawing si cadet 4th class Darwin Dormitorio para ireklamo ang apat na doktor ng Philippine Military Academy station hospital na sumuri dito.
Personal na nagtungo sa tanggapan ng PRC ang kapatid ni Darwin na si Dexter para ihain ang reklamo sa mga doktor na sina Capt. Flor Apple Apostol, Major Maria Beloy, Lt. Col. Cesar Candelaria, Capt. Allain Saa.
Ayon kay Dexter, nais nila na matanggalan ng lisensya ang mga nasabing manggagamot dahil sa pagpapabaya sa sitwasyon ng kaniyang kapatid.
Dexter Dormitorio:
“Kulang na kulang ang ginawa nilang step para ma-diagnose ng tama yung problema nung sa kapatid ko. May absence ng records. Ibig sabihin pag absent ang record kulang ang ginawa. Madami kami nakita sa medical records ng kapatid ko na hindi nila nagawa”.
Hindi kuntento ang pamilya Dormitorio sa naging medical assessment sa kundisyon ni Darwin.
Sinabi aniya ngmga doktor na sumuri kay Darwin na UTI lang umano ang sakit nito at Hematoma pero kalaunan, sumasakit na ang tiyan nito, may mga pasa at iba pang bugbog sa katawan dahil sa hazing.
Ang mga nasabing doktor din umano ang sumuri kay Cadet 2nd class Cedrick gadia na unang nadiagnosed na umano’y may anemia lamang pero cancer pala ang sakit nito.
Ulat ni Madz Moratillo