Mga eksperto, tutol sa isinusulong na Cha-Cha via Con-Ass
Hindi kumbinsido ang mga Constitutional law expert na idaan sa
Constituent Assembly ang paraan ng anumang pag-amyenda sa 1987
Constitution.
Sa pagdinig ng senado, tinawag na cheap argument ni Retired Chief
Justice Reynato Puno ang pahayag ng mga senador at kongresista na
isinusulong nila ang chacha sa pamamagitan ng Con-Ass dahil ito raw
ang pinakamurang proseso.
Sinabi ni Puno na hindi dapat tingnan ang halaga dahil isang magandang
investment ang mabubuong amyenda sa konstitusyon.
Dapat aniyang con-con ang gamiting proseso pero nasa kamay naman ng
kongreso ang pagdetermina ng mga delegado o komposisyon na bubuo ng
con-con.
Gayunman, hindi aniya ito dapat maging non partisan, ibig sabihin
hindi maaring maging delegado ang mga kinatawan o miyembro ng anumang
political parties.
Kung con-ass ang mananaig na proseso, dapat hiwalay na isagawa ang
botohan dahil maaring mai-railroad ng kamara ang charter change.
Samantala, kinontra ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel
ang pahayag ni dating Chief Justice Hilario Davide na walang
pangangailangan para amyendahan ang saligang batas.
Iginiit ni Pimentel na kailangan nang amyendahan ang konstitusyon para
ma-devolve ang kapangyarihan ng gobyerno sa mga lokal na pamahalaan.
Pabor naman si Pimentel na magsagawa ng joint session ang senado at
kamara para talakayin ang pag-amyenda pero dapat hiwalay na isagawa
ang pagboto.
Pero iginiit naman ni Professor Edmundo Garcia ng Ateneo de Manila University, maari namang amyendahan ang local government code para maibahagi ang yaman sa mga lgu’s sa halip na gumastos para sa charter change.
Ulat ni Meanne Corvera
=== end ===